12 komunidad sa Bukidnon, dinumog ng AFP

,

KASALUKUYANG POKUS NG limang batalyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang 12 komunidad sa hangganan ng Cabanglasan at San Fernando sa Bukidnon mula pa Enero nitong taon. Dinumog ng hindi bababa sa 1,400 sundalo ng 60th IB, 56th IB, 57th IB, 58th IB, 88th IB, Scout Rangers at Division Reconnaissance Company ang buong lugar. Bago pa ito, binomba, kinanyon at inistraping ang naturang mga komunidad mula pa huling bahagi ng 2018.

Kabilang sa mga hinahalihaw at inookupa ng mga sundalo ang Sityo Tapayanon, isang interyor na komunidad na may higit 400 residente.

Nitong Marso, sa desperasyon ng mga sundalo na supilin ang paglaban ng mga Lumad sa Tapayanon, pinalabas ng AFP na “sumurender” na mga taga-suporta at kasapi ng BHB ang mga lider-katutubo at mga residente. Ginagamit ngayon ng 60th IB ang naturang komunidad bilang tampok na palabas ng kunwa’y tagumpay ng E-CLIP.

Nauna nang ipinasara ng AFP noong 2016 ang paaralang Lumad na pinatatakbo ng Rural Missionaries of the Philippines sa Tapayanon. Ito ang pinakamalaking paaralang Lumad sa buong Bukidnon na mayroong higit isandaang mag-aaral sa literasiya at numerasiya.

Mula pa 2017, nilabanan na ng mga residente ang dalawang malalaking proyektong daanan—ang Laak-San Fernando at Mactan-Miaray—dahil sasagasaan nito ang kanilang mga komunidad.

Sa katotohanan, ang komunidad ay hinahamlet ng mga sundalo. Ipinagbabawal ang paglalabas-masok ng mga residente, pagkain at suplay sa lugar at pinipigilan ang kanilang kabuhayan. Ginigipit din ang kanilang mga lider at pinagbabawalang makipag-ugnayan sa labas ng komunidad.

Dahil dito, nagbakwit ang mahigit 150 pamilya ng kalapit na mga komunidad ng Tapayanon at nagkampuhan sa Malaybalay City mula pa kalagitnaan ng Marso.

12 komunidad sa Bukidnon, dinumog ng AFP