2 konsultant ng NDFP, iligal na inaresto
DALAWANG KONSULTANT ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at tatlo nilang kasamahan ang magkasunod na inaresto ng rehimeng US-Duterte noong Marso.
Inaresto sa pinagsamang operasyon ng 202nd Bde at Philippine National Police (PNP) sina Fr. Frank Fernandez, 71, tagapagsalita ng NDF-Negros, kanyang asawa na si Cleofe Lagtapon, 66 at si Geann Perez, 20, noong Marso 25 sa Liliw, Laguna.
Sinampahan ang tatlo ng gawa-gawang kasong illegal possession of firearms and explosives habang sinampahan ng kasong pagpatay sina Fernandez at Lagtapon. Matindi ang sakit sa puso at baga ni Fernandez habang may leukemia naman si Lagtapon, dahilan ng kanilang pagtigil sa lugar.
Samantala, inaresto si Renante Gamara at ang kanyang kasamang si Fr. Arturo Joseph Balagat sa Imus, Cavite noong Marso 20. Dinala ang dalawa sa Camp General Pantaleon Garcia sa Imus, Cavite at inilipat sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City sa mga sumunod na araw. Sinampahan ang dalawa ng kasong illegal possession of firearms. Noong Marso 23, ibinasura ng korte ang kaso laban sa dalawa.
Samantala, hindi na nagulat ang NDFP negotiating panel sa pagtanggal ni Rodrigo Duterte sa itinalaga niyang negotiating panel na pinamunuan ni Silvestre Bello III noong Marso 18. Makaisang-panig nang winakasan ni Duterte ang usapang pangkapayapaan nito sa NDFP nang ilabas nito ang Proclamation 360 noon pang Nobyembre 23, 2018.
Ayon kay Jose Maria Sison, walang ipinakitang interes si Duterte sa negosasyon at sa halip ay lantarang ginamit ang armadong labanan para bigyan-katwiran ang batas militar sa Mindanao at iratsada ang pagbabago sa konstitusyon para sa ambisyon niyang maging pasistang diktador.
Pitong konsultant na ng NDFP ang iligal na inaresto. Anim sa kanila ay nakakulong pa sa kasalukuyan.