8 pa, pinaslang noong Marso
Sa iba pang bahagi ng bansa, lahatang-panig din ang pang-aatake ng rehimeng US-Duterte sa mga magsasaka. Sa buwan lamang ng Marso, walo pa ang pinaslang ng mga ahente ng rehimen.
Pinatay ng mga sundalo ng 48th IB si Larry Suganob, lider ng PINAGBUKLOD, kasaping organisasyon ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), noong Marso 18 sa Barangay San Isidro, San Jose del Monte, Bulacan. Aktibo si Suganob sa kampanya ng mga magsasaka kontra sa pangangamkam ng lupa ng Ayala Land, Inc. at Bangko Sentral ng Pilipinas. Naglulunsad noon ng operasyong militar ang 48th IB sa lugar.
Sa Davao del Norte, binaril at napatay naman ang isang estudyanteng Lumad noong Marso 15 sa Sityo Milyon, Barangay Sto. Niño, Talaingod. Lasing na nagpaputok ng baril si Eroy Balentin, elemento ng Citizen Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) sa komunidad at tinamaan sa ulo si Jerome Pangadas na agad niyang ikinamatay. Ayon sa mga ulat, naghuramentado si Balentin matapos tumanggi ang mga residente ng Milyon na sumapi sa CAFGU. Si Pangadas ay 15-taong gulang at estudyante ng Salugpongan Ta ‘Tanu Igkanogon Community Learning Center. May isang residente ring nasugatan dahil sa insidente.
Isang magsasaka rin mula sa Bongabong, Oriental Mindoro ang pinatay ng 203rd Bde at PNP-MIMAROPA. Pinalabas na namatay sa engkwentro ng AFP at BHB si Roland Sibulan noong Marso 2 matapos siyang dakpin sa isang tsekpoynt at pinahirapan noong Marso 1. Tinutukan ng baril ang kasama niyang apo. Si Sibulan ay isang dekada nang hindi kasapi ng BHB.
Noong Marso 5, inaresto ang pamangkin ni Sibulan na si Onad sa parehong tsekpoynt, tinortyur at tinangkang patayin ng mga sundalo. Pinakawalan siya pagkatapos ng anim na oras ng mental at pisikal na pagpapahirap. Nakatakbo at nakaligtas sa tortyur ang kasama niyang pinsan.
Tatlong kabataang sibilyan ang pinagbabaril ng mga sundalo ng 71st IB noong Marso 28 sa Sityo Mangurayan, Barangay Anitapan sa Mabini, Compostela Valley. Naghahanap lamang ng palaka at nangangaso sa kagubatan at walang ibang dala kundi mga flashlight at mga gawang baril sina Franklin Tirol, Zaldy Tirol at isa pa. Agad na namatay sa insidente ang magpinsang Tirol habang malubhang nasugatan at iligal na inaresto ang isa pa. Pinalabas ng 71st IB na mga kasapi ng BHB ang mga biktima at may dalang armas, mga kagamitang militar at improvised explosive device. Kunwa’y may isang sundalo pa diumanong nasugatan sa putukan.
Noong Marso 30, pinatay si Uming Caliho, lider-magsasaka sa Sityo Kalibunlibunan, Barangay Pinagturilan, Sta. Cruz, Occidental Mindoro.
Sa Samar, binaril at napatay si James Viñas, 75, dating lider ng People Surge sa harap ng kanyang bahay sa Borongan City noong Marso 12, ala-7 ng gabi.