Atake sa mga upisina at misyon
TINANGKANG PASUKIN ng 20 sundalo ang upisina ng BAYAN-North Mindanao Region sa Camaman-an, Cagayan de Oro City noong Marso 20 para arestuhin diumano ang isang nagngangalang “Albert.” Nang harangin sila, magdamag na pinalibutan ng mga sundalo ang upisina at pinagbawalang lumabas sa bahay ang mga nakatira roon.
Sa araw ding iyon, pinasok at niransak ang upisina ng KASTAN, lokal na balangay ng Cordillera People’s Alliance, sa Barangay Lipcan Ubbog, Bangued, Abra.
Samantala, dalawang beses na hinaras at tinakot ang mga kasapi ng Karapatan-Quezon noong Marso 9 sa mga tsekpoynt ng militar sa mga barangay ng San Francisco at Dao. Hinalughog ng may 50 elemento ng 85th IB at CAFGU ang mga gamit ng mga delegado. Papunta ang grupo sa Lopez, Quezon para magsagawa ng imbestigasyon sa lugar malapit sa naganap na engkwentro sa pagitan ng AFP at BHB noong Marso 8.
Lantaran namang ipinailalim sa sarbeylans at tinakot ng mga ahente ng paniktik ng rehimen ang dayuhang mga delegado ng internasyunal na delegasyon ng mga abugado na nagsasagawa ng imbestigasyon sa mga insidente ng pag-atake sa mga abugado at huwes sa bansa. Sinundan at kinunan sila ng mga larawan at bidyo hanggang sa tinitigilan nilang hotel. Pinakinggan din ang kanilang mga usapan.
Kinabilangan ang internasyunal na delegasyon ng siyam na abugado mula sa Belgium, Italy, Japan, Korea, The Netherlands at United States. Idinaos ang imbestigasyon noong Marso 14-17. Nirepaso nila ang 15 insidente ng atake sa sektor kabilang na ang pagpatay kay Atty. Benjamin Ramos at pag-akusa sa mga kasapi ng NUPL-Panay bilang mga kasapi ng PKP. Alinsunod sa kanilang imbestigasyon, magkadugtong ang mga kaso ng pag-atake sa mga huwes at abugado, at nakaugnay ito sa mga buladas ni Duterte laban sa kanila.
Isang araw bago simulan ang imbestigasyon, binaril at napatay si Atty. Rex Jasper Lopoz sa harap ng isang mall sa Tagum City, Davao del Norte. Ayon sa National Union of People’s Lawyers (NUPL), si Lopoz ang ika-38 abugadong pinaslang sa ilalim ng rehimeng US-Duterte.
Tiyak na higit pang titindi ang mga atake sa mga abogado, tagapagtanggol ng karapatang-tao at mamamayan dahil sa pag-alis ng gubyerno ng Pilipinas sa International Criminal Court, ayon pa sa NUPL. Pormal na nagkabisa ang pag-atras ng bansa sa naturang internasyunal na korte noong Marso 17.