Labanan ang Oplan Samadhan—CPI-Maoist
NANAWAGAN ANG Communist Party of India (CPI)-Maoist sa mamamayang Indian na labanan ang Operation Samadhan (o “solusyon” sa salitang Indian), ang pinakahuling kampanya ng panunupil ng reaksyunaryng estadong Indian. Taliwas sa idineklara nitong layuning pagdadala ng mga “solusyon” sa mahihirap na komunidad ng India tulad ng irigasyon, edukasyon, serbisyong pangkalusugan at iba pa, ang Operasyon Samadhan ay isang operasyon para palayasin ang mamamayan sa mga lupang nais tayuan ng malalaking kumpanya ng mga megadam. Saklaw ng naturang operasyon ang Chhattisgarh, Bihar, Odisha, Maharashtra, Andhra Pradesh, Telangana, West Bengal, Madhya Pradesh at Jharkhand—mga lugar ng mga adivasi o katutubo.
Ginagamit ng reaksyunaryong estado ang CPI-Maoist bilang “internal na banta” para tambakan ng mga pwersang panseguridad ang naturang mga lugar at isailalim ang mga ito sa militarisasyon. Anang CPI-Maoist, hindi ang mga komunista ang banta sa mga komunidad kundi ang mga dayuhang kumpanya at mga pwersang panseguridad ng estado na ginagamit nila.
Katunayan, ilan nang mga komunidad ang napalayas sa tabing ng “industriyalisasyon” at “kaunlaran.” Pinararatangan ng estado ang mga residente rito na mga kasapi ng CPI-Maoist at sinasampahan ng sedisyon at iba pang gawa-gawang kaso. Sa gayon, napipilitan silang iwan ang kanilang mga komunidad para iwasan ang brutalidad ng mga pulis at sundalo. Kabilang dito ang mga masaker, pamamaslang, panggagahasa sa kababaihan, pambubugbog at iba pang pag-abuso.