Lagim ng SEMPO sa Negros: 14 magsasaka, pinatay sa isang araw

,

Labing-apat na magsasaka ang pinatay ng mga elemento ng pulis at militar sa loob lamang ng ilang oras noong Marso 30 sa Negros Oriental. Dagdag sila sa pitong magsasakang pinaslang mula Disyembre 2018 hanggang Enero sa ilalim ng kampanyang panunupil na tinaguriang SEMPO. Isinagawa ang pinakahuling pamamaslang simula ala-una ng umaga sa Canlaon City at mga bayan ng Sta. Catalina at Manjuyod. Walo ang pinatay sa Canlaon City, apat sa Manjuyod at dalawa sa Sta. Catalina.

Ayon sa salaysay ni Leonora, asawa ng biktimang si Ismael Avelino, naalimpungatan sila bandang alas-2:30 ng umaga nang sapilitang pasukin ang kanilang bahay ng hindi bababa sa anim na armadong lalaking nakatakip ang mukha. Kinaladkad si Leonora at ang dalawa nilang paslit papalabas, habang naiwan si Ismael na nakataas ang mga kamay. Matapos nito’y nakarinig sila ng putukan sa loob ng bahay, at mula sa kapitbahay kung saan kasabay na binaril ang nakatatandang kapatid ni Ismael na si Edgardo.

Sina Ismael at Edgardo ay parehong myembro ng Hugpong Kusog Mag-uuma sa Canlaon-Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, na pinamumunuan ng nakatatandang Avelino.

Sa kaso naman ni Franklin Lariosa, pinalibutan ng mga pulis ang kanyang bahay bandang alas-5 ng umaga at nagpakita ng search warrant para umano sa isang ripleng M16. Dinala si Lariosa sa bakuran ng bahay kung saan nakaantabay ang kanyang asawa at mga kapamilya. Matapos itanggi na mayroon siyang itinatagong riple, tatlong beses na binaril si Lariosa. Itinaboy din ng mga salarin ang kanyang ina na nagtangkang sumaklolo.

Matapos ang madugong operasyon, ipinagmayabang ng Philippine National Police (PNP) ang Synchronized Enhanced Management of Police Operations (SEMPO o Sinkronisadong Pinaunlad na Pamamahala sa mga Operasyong Pulis). Ang mga napatay ay nanlaban umanong mga partisano at tagasuporta ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Maliban dito, may 12 iba pang sibilyan ang inaresto sa naturang operasyon at sinampahan ng gawa-gawang mga kaso. Iprinisinta ng PNP bilang ebidensya ang itinanim nilang mga baril at pampasabog.

Ang SEMPO (tinatawag ding Oplan Sauron) ang kasalukuyang pasistang pakana ng rehimeng Duterte para sa kanyang pag-atake sa mamamayan sa isla ng Negros. Tampok dito ang golpe de gulat at sinkronisadong paglusob sa mga target na barangay; paggamit sa mga upisina ng munisipyo para sa pagtatayo ng mga tsekpoynt at pagsasampa ng kaso sa mga inaresto; planadong pagpatay at pag-aresto sa mga target; tuluy-tuloy na paglalabas ng mga mandamyento para sa aresto at paghalughog, kabilang ang mga blangkong pirmadong mandamyento para sa sinumang nais arestuhin o patayin.

Bagamat ang PNP ang nasa unahan ng SEMPO, sumusunod sila sa direksyon ng Armed Forces of the Philippines Central Command (AFP Centcom). Ang Centcom ay kasalukuyang pinamumunuan ni Lt. Gen. Noel Clement, kilalang masugid na tagasunod ni Jovito Palparan.

Bilang paghahanda para sa SEMPO, ikinampanya ng mga sundalo at pulis ang mga pekeng pagpapasurender noong Hulyo-Agosto 2018. Isinagawa rin ang masaker sa Sagay at pagpatay sa abogado ng mga biktima noong Oktubre. Kasunod nito’y tinugis ng dalawang batalyon ng kaaway ang mga magsasakang nagbubungkalan sa Sagay, at kinumpleto na ang pagpuwesto ng dagdag na mga tropa sa Negros Oriental noong Nobyembre 2018.

Ginamit ng AFP ang mga operasyong “peace and development” (PDT) sa mga baryo para imapa ang mga bahay ng pinagsususpetsahan nitong tagasuporta o kapamilya ng mga Pulang mandirigma, gayundin ang mga kasapi ng mga ligal na organisasyong magsasaka na binansagan nitong mga “prente ng komunista.” Sa mga datos na ito ibinatay ang listahan kung sinu-sino ang papatayin at aarestuhin.

Isinagawa ang unang bugso ng SEMPO sa Guihulngan City noong Disyembre 27, 2018. Isinabay dito ang mga operasyon sa Mabinay at Sta. Catalina. Sa araw na iyon, limang magsasaka ang pinatay sa Guihulngan City at mahigit 20 ang iligal na inaresto sa nabanggit na mga lugar. Lumaki pa ang bilang na ito tungong pitong pinatay at 57 iligal na inaresto nang tumagal ang operasyon hanggang ikalawang linggo ng Enero at umabot sa mga bayan ng Canlaon, Moises Padilla, Isabela at La Castellana. (Basahin ang mga detalye sa mga isyu ng Ang Bayan, Enero 7 at Pebrero 21, 2019.) Umabot sa 3,000 tropa ang ginamit ng AFP at PNP para sa operasyong ito.

Alinsunod sa “whole-of-nation approach” ng kampanyang panunupil ni Duterte, kinasangkapan ng AFP Centcom ang mga korte para sa paglalabas ng mga mandamyento at pagsasampa ng kaso. Sa unang bugso ng SEMPO, lahat ng 119 search warrant na ginamit sa operasyon ay pinirmahan ni Judge Soliver Peras ng RTC-7 sa Cebu.

Ginamit din ng AFP ang mga pasilidad ng mga lokal na gubyerno para sa transportasyon ng mga sundalo at pulis sa kabila ng paglilihim nito ng operasyon sa lokal na gubyerno. Sa pinakahuling SEMPO, itinanggi ng gubernador ng Negros Oriental na ipinaalam sa kanya ang operasyon.

Nagresulta ang SEMPO sa sapilitang paglikas ng mga residente, pagkasira ng kanilang mga pananim at pagkawala ng kanilang pera at kagamitan na ninakaw ng nag-operasyong mga pulis at sundalo. Dahil dito, mas lumakas pa ang loob ng mga panginoong maylupa sa isla na magbuo at magparami ng sariling mga pribadong hukbo at maton.

Malawakang pagkundena mula sa mga organisasyong masa at magsasaka, relihiyoso, masmidya at kahit mga ahensya ng reaksyunaryong gubyerno ang sumalubong sa brutalidad ng AFP at PNP. Sa Iloilo, pinangunahan ng Bayan at Anakpawis ang protesta noong Abril 1 sa tapat ng Camp Delgado sa Iloilo City laban sa madugong operasyon ng AFP at PNP.

Lagim ng SEMPO sa Negros: 14 magsasaka, pinatay sa isang araw