Mandatory ROTC, tinutulan
SUNUD-SUNOD NA PROTESTA ang inilunsad ng mga progresibong organisasyong kabataan matapos ibalita ang brutal na pagpatay kay Willie Amihoy, isang kadete ng Reserve Officers Training Corps (ROTC) sa Iloilo State College of Fisheries.
Pinatay si Amihoy ng kanyang kumander sa ROTC na si Elmer Decilao noong Marso 10 matapos siyang pagbintangan ng huli na nagtago ng kanyang selpon. Ayon sa mga nagprotesta, hinihikayat ng ROTC ang ganitong pagtuturingan at karahasan sa hanay ng mga estudyante.
Noong Marso 13, nagrali ang Kabataan Partylist-Panay para kundenahin ang pagpatay. Isang araw bago ito, naglunsad rin ng protesta ang mga organisasyon ng mga kabataan sa UP Cebu. Sa Metro Manila, nagsindi ng mga kandila bilang protesta ang mga estudyante ng Far Eastern University (FEU), Pamantasan ng Lunsod ng Maynila, at University of the East sa tapat ng FEU para ipanawagan ang pagbabasura ng panukalang mandatory o rekisitong ROTC. Nagsagawa rin ng mga protesta sa iba pang unibersidad sa Metro Manila.
Samantala, tinutulan ng iba’t ibang organisasyon ng estudyante ang tusong pagpasok ng mga sundalo sa kampus ng University of the Philippines (UP) sa Los Baños, Laguna noong Marso 4 sa tabing ng pagbibigay ng oryentasyon ng ROTC. Ginamit ng mga sundalo ang aktibidad para malisyosong i-ugnay ang ligal na progresibong mga organisasyon ng mga estudyante sa BHB. Ito rin ang ginawa ng AFP sa UP Tacloban noong Marso 10 kung saan binansagang tagasuporta ng BHB ang Pulso han Mag-aaram.