Mga balita

,

KONTRA-PAGTAAS NG PRESYO NG LANGIS. Sa Valenzuela City, nagprotesta ang mga residente, sa pangunguna ng Defend Job Philippines, sa tapat ng gasolinahan ng Shell sa General T. De Leon noong Marso 19. Binatikos ng grupo ang malakihang pagtaas ng presyo ng langis na lalo pang nagpapahirap sa bayan. Tuluy-tuloy na tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo sa loob ng pitong magkakasunod na linggo. Dahil dito at sa nananalasang tagtuyot sa bansa, napilitan nang aminin ng rehimeng US-Duterte na muling bibilis ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa susunod na mga buwan.

LABAN SA ILIGAL NA PAGTATANGAL. Sa Laguna, nagpiket ang mga kasapi ng Kaisahan ng mga Manggagawang Iligal na Tinanggal sa Cabuyao noong Marso 17. Nagsilbi itong pagtatapos ng Ika-2 Kongreso ng kanilang organisasyon. Kasama ang Southern Tagalog Labor Vote Alliance, ipinapanawagan nila ang matalinong pagpili ng mga kandidatong tatakbo sa darating na eleksyon.

Samantala, tinutulan ng mga manggagawa ang iligal na pagsisante sa 100 manggagawa ng Holcim Philippines Inc., sa planta nito sa Davao City noong Marso 4. Tinanggal sila ng kontraktor nito na Fort Steel Cargo Integrators Inc., sa kabila ng paglalabas ng utos ng regularisasyon ng panrehiyong upisina ng Department of Labor and Employment.

COASTAL CLEAN-UP. Isang coastal clean up drive ang inilunsad ng mga grupong makakalikasan kabilang ang Nilad at Earth Island Institute Philippines, at ng PAMALAKAYA at Baseco People’s Alliance sa baybayin ng Baseco sa lunsod ng Maynila noong Marso 18. Tinutulan nila ang maka-dayuhan at kapitalistang mga proyektong reklamasyon sa Manila Bay.

Mga balita