Mga residente ng Marawi, nagrali laban sa TFBM
NAGMARTSA ANG HALOS isanlibong residente ng Marawi City noong Marso 20 para kundenahin ang halos dalawang taon nang naantalang rehabilitasyon ng syudad. Isinabay nila ang martsa sa pagdinig ng Kongreso at Task Force Bangon Marawi (TFBM) sa Provincial Capitol Gymnasium sa loob ng syudad.
Tinuligsa nila ang kawalang aksyon ng TFBM at nanawagang patalsikin si Housing Secretary Eduardo del Rosario, pangulo ng TFBM dahil hindi nito natugunan ang hinaing ng mga residente. Giit ng mga residente na isama sila sa pagpaplano at tugunan ang kanilang kagyat na mga pangangailangan para makabalik na sila sa syudad. Idinahilan ng TFBM na marami pa diumanong nakabaong bomba sa pinakawasak na bahagi o most affected area (MAA) kaya hindi pa pwedeng bumalik ang mga residente.
Ipinahayag naman ng isang residente ng Marawi na si Hafsah Bint Amer Hassan ang kanyang galit sa TFBM. Aniya, dalawang taon na ang nakalilipas pero nasa paglilista at pagkakategorya pa rin ang TFBM ng mga residente sa lugar. Mas nauna pang natapos ng gubyerno ang rehabilitasyon ng Boracay kaysa sa kanilang mga tirahan, dagdag niya. Inireklamo rin ng mga residente ang walang pahintulot na pagdemolis ng TFBM sa natirang mga kabahayan at lubusang pagpulbos nito sa MAA matapos ang gera.