Presyo ng palay, sibuyas at kopra, itaas!

,

TULUY-TULOY ANG PAGBAGSAK ng presyo ng palay, sibuyas at iba pang lokal na produktong agrikultural sa unang kwarto ng 2019. Ito ay dulot ng walang sagkang pag-aangkat ng naturang mga produkto sa ilalim ng liberalisadong kalakalan.

Mula sa humigit-kumulang P20/kilo noong nagdaang taon, nasa P14/kilo na lamang ang presyo ng lokal na palay noong Marso. Direktang epekto ito ng kapapasang batas para sa liberalisasyon sa importasyon ng bigas.

Nangangahulugan ito ng mas matinding kahirapan at gutom sa maraming magsasaka lalupa’t nananatiling matataas ang presyo ng mga gamit sa produksyon tulad ng binhi at pestisidyo, gayundin ang upa sa lupa. Higit pa itong palalalain ng tagtuyot na nananalasa ngayon sa maraming prubinsyang nagpuprodyus ng palay.

Sa Nueva Ecija, nangungunang prubinsya sa produksyon ng sibuyas, nasa P12-P15/kilo na lamang binibili ang ani ng mga magsasaka. Anila, umaabot sa P130,000 ang gastos sa produksyon para sakahin ang isang ektaryang sibuyasan. Para kumita, kailangang maibenta ang produkto sa minimum na P30/kilo o mahigit kalahati sa presyo nito sa kasalukuyan. Mahigit 21,000 magsasaka ang nagtatanim ng sibuyas dito gamit ang mahigit 11,500 ektaryang lupa.

Samantala, iginiit ng mga magsasaka mula sa Southern Tagalog na itaas ang presyo ng kopra at buong niyog, gayundin ang sahod ng mga manggagawang bukid sa niyugan sa isang dayalogo sa mga upisyal ng Philippine Coconut Authority (PCA) noong Marso 4. Ayon sa mga magsasaka sa niyugan, dapat itakda ng PCA ang presyo ng kopra sa P50/kilo sa mga baryo ng CALABARZON o katumbas ng presyo nito sa mga sentrong lunsod ng rehiyon, tulad ng Lucena City. Iginiit din nilang itaas ang presyo ng buong niyog sa P12/piraso at itaas ang sahod ng mga manggagawang bukid sa P300/araw o sa kada 1,000 pirasong naaning niyog. Hiniling din nilang bigyan ng ayudang pagkain ang mga magsasakang apektado ng napakababang presyo ng kopra.

Ngayong taon, nasa P12/kilo na lamang ang presyo ng kopra sa rehiyon o 66% na mas mababa kumpara sa P38/kilo noong 2017. Gayundin, nasa P3.60 hanggang P4.70 na lamang ang presyo ng isang niyog. Ang mga manggagawang bukid naman sa niyugan ay kumikita lamang ng P4-P7/araw. Tinatayang nasa 20 milyon ang mga magsasaka sa niyugan sa buong bansa.

Sa kaugnay na balita, nagprotesta ang mga magsasaka sa harapan ng Department of Agrarian Reform sa Quezon City noong Marso 21 para tuligsain ang ekspansyon ng mga plantasyon sa bansa. Imbes na tutukan ang pangangailangan ng mga magsasaka para sa mas malaking produksyon, ibinebenta pa ng gubyerno ang mga lupang agrikultural para pakinabangan ng mga dayuhang korporasyon.

Presyo ng palay, sibuyas at kopra, itaas!