Unyonista, iligal na inaresto
ILIGAL NA INARESTO ng mga pulis si Eugene Garcia, tagapangulo ng unyon sa Pioneer Flat Glass Manufacturing, sa Pasig City noong Marso 20 sa gawa-gawang kaso ng illegal possession of firearms. Hinalughog ang kanyang bahay gamit ang isang search warrant at pinalabas na mayroon siyang kalibre .45 pistola. Noong 2016, iligal na sinisante ng kumpanya ang 44 na manggagawa, kabilang ang mga lider-unyon, habang nasa kalagitnaan ng negosasyon para sa CBA.
Noong Marso 30, dinampot ng tatlong sundalo ng AFP si Zandro Esteban, isang manggagawa ng Sumifru at kasapi ng unyong NAMASUFA-NAFLU-KMU, sa Barangay San Jose, Compostela at dinala sa kanilang kampo sa New Bataan, Compostela Valley. Kaugnay nito, binantaan ng PNP na bubuwagin ang kampuhan kung saan nakatigil ang mga manggagawa ng SUMIFRU sa Manila City mula pa 2018.
Hinaras ng mga pulis ang pamilya ni Ricky Chavez, kasapi ng unyon sa Toyota noong Marso 21. Pinasok ng mga pulis ang kanyang bahay sa bisa ng isang search warrant. Ayon sa kanyang asawa, parang naghahanap ng baril ang mga pulis sa kanilang bahay para makasuhan ang unyonista.
Sa Bulacan, marahas na binuwag ng mga pulis ang muling-tayong piket ng mga manggagawa ng NutriAsia Foods Corporation noong Marso 25. Noong Hunyo 2018 unang binuwag ang naturang piketlayn kung saan maraming manggagawa at kanilang mga tagasuporta ang nasaktan at iligal na inaresto.
Samantala, dalawang kasapi ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa Pandi, Bulacan ang inaresto noong Marso 25 matapos umanong mahuling may hawak na baril.