Pananalasa ng terorismo ng estado sa unang kwarto ng taon

,

Ang ulat na ito ay halaw sa mga ibinalita ng Ang Bayan na mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao na isinagawa ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police at iba pang mga armadong ahente ng reaksyunaryong rehimeng US-Duterte sa buong bansa nitong unang kwarto ng taong 2019.

Sa inisyal na tala ng Ang Bayan, umabot na sa 772 (o siyam kada araw) ang naging biktima ng iba’t ibang tipo ng paglabag mula Enero 1 hanggang Marso 31. Hindi pa kabilang dito ang puo-puong libong nagbakwit sa iba’t ibang bahagi ng bansa dulot ng sustenidong mga operasyon at kampanyang militar sa kani-kanilang mga komunidad.

Sa abereyds, kada tatlong araw ay may isang pinapatay at dalawa ang iligal na inaaresto. Kada araw naman ay may pitong nagiging biktima ng pagbabanta, panggigipit at intimidasyon.

Ang matinding unang kwartong opensiba laban sa mamamayan ay direktang resulta ng malawakang pagpapatupad ng National Internal Security Program (NISP) at Oplan Kapayapaan ng rehimen.

Pagpaslang, bigong pagpaslang at tortyur. Sa loob lamang ng tatlong buwan, umabot na sa 32 ang mga sibilyang biktima ng pampulitikang pamamaslang sa buong bansa. Siyam (28%) ang pinaslang sa Luzon, 16 (50%) sa Visayas at pito (38%) naman sa Mindanao. Samantala, nakapagtala rin ang Ang Bayan ng tig-limang kaso ng bigong pagpaslang at tortyur.

Bagamat katumbas ng kabuuang bilang ng pinaslang ngayong unang kwarto ng 2019 ang sangkapat ng kabuuang bilang ng mga biktima (106) noong 2018, mahalagang bigyang pansin ang dami ng mga biktima sa Negros Island. Nananatiling pinakamataas ang bilang ng naitalang kaso ng pagpaslang sa rehiyon. Sa Negros Oriental pa lamang, 15 na ang mga magsasakang pinaslang sa ilalim ng SEMPO (Synchronized Enhanced Managing of Police Operations) o Oplan Sauron, ang umiiral na kampanyang panunupil sa isla.

Iligal na pag-aresto at arbitraryong detensyon. Umabot na sa 65 ang naging biktima ng iligal na pag-aresto at arbitraryong detensyon sa nakalipas na tatlong buwan. Dalawampu’t dalawa (34%) ang inaresto sa Luzon, 18 (28%) sa Visayas at 25 (38%) sa Mindanao.

Nakapag-ulat ng pinakamaraming kaso ng iligal na pag-aresto sa Northern Mindanao Region o NMR (14 biktima) na sinundan naman ng Negros Island (11) at ng Davao Region (8). Tampok na kaso ang iligal na pag-aresto ng mga elemento ng 65th IB at PNP-CIDG sa dalawang bata, isang menor-de-edad at apat na kasapi ng Misamis Oriental Farmers’ Association noong Enero 13.

Pambobomba, istraping at militarisasyon. Hindi bababa sa anim na kaso ng istraping at pambobomba ang inulat ng Ang Bayan sa parehong panahon. Dagdag dito ang 42 insidente ng okupasyon at pang-aatakeng militar sa mga komunidad kung saan isa ang naiulat sa Luzon, 23 (55%) sa Visayas at 18 (43%) sa Mindanao.

Pinakamarami ang naiulat na kaso ng militarisasyon sa Negros (13 insidente), NMR (12) at Eastern Visayas (9). Resulta ang mabangis na mga operasyong militar sa Negros at Eastern Visayas ng de facto na batas militar na umiiral sa nasabing mga rehiyon sa bisa ng Memorandum Order 32 ni Duterte na direktang nagtambak ng dagdag na mga batalyon sa mga ito.

Pagbabakwit. Nagresulta ang walang puknat na mga operasyong militar sa pagbabakwit ng 19,936 katao mula sa iba’t ibang komunidad sa buong bansa. Pinakamarami ang nagbakwit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (16,300 bakwit) dahil sa walang patumanggang pambobomba at pag-istraping ng militar sa mga komunidad sa Maguindanao at Sulu. Hindi naman bababa sa 1,614 ang nagbakwit mula sa Eastern Visayas, 900 sa NMR at 831 sa Caraga.

Pagbabanta, panggigipit at intimidasyon. Kabilang sa mga biktima ang 646 indibidwal na isinailalim sa pagbabanta, panggigipit at intimidasyon. Kalakhan ng mga biktima ay mula sa Negros (452) at Davao Region (153).

Pananalasa ng terorismo ng estado sa unang kwarto ng taon