54, kaswalti ng AFP sa Sultan Kudarat
Hindi bababa sa 54 sundalo ng Marine Battalion Landing Team (MBLT)-2 at 33rd IB ang naiulat na kaswalti sa limang opensiba ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Sultan Kudarat mula Enero 22-Marso 10. Sa Negros, umaabot sa 24 ang kaswalti ng AFP sa isang ambus ng BHB.
Noong Marso 10, inambus ng BHB ang mga sundalo ng 33rd IB na nag-ooperasyon sa kabundukan ng Daguma. Sakay ng trak ang mga sundalo nang pasabugan sila sa Barangay Titulok, Bagumbayan, Sultan Kudarat. Sugatan dito ang 23 elemento ng AFP.
Ang ambus na ito ay bahagi ng serye ng mga taktikal na opensibang inilunsad ng BHB-Sultan Kudarat upang labanan ang kampanya ng kaaway sa kabundukan ng Daguma. Ang MBLT-2 at 33rd IB ay nagsisilbing gwardya ng DM Consunji Incorporated na nang-aagaw ng lupaing ninuno ng mga Lumad upang gawing mga plantasyon at minahan.
Sinimulan ng BHB ang serye ng mga opensiba noong Enero 22 sa pamamagitan ng operasyong haras sa detatsment ng Marines sa komunidad ng Maat, Barangay Sangay, Kalamansig kung saan dalawang sundalo ang nasugatan. Kasunod nito ang ambus noong Enero 24 sa dalawang trak ng Marines sa haywey sa Sityo Kabukbukan, Barangay Kipungot, Palimbang. Pinasabugan ang komboy ng kaaway na nagresulta sa pagkawasak ng isang trak. Nahulog naman sa bangin ang isa pang trak matapos mawalan ng kontrol ang drayber nito. Hindi bababa sa 20 sundalo ang namatay, maliban sa ilan pang sugatan.
Kinabukasan, isa pang ambus ang isinagawa sa kalapit na Barangay Paril sa parehong bayan. Dalawang sundalo ang napatay at dalawa pa ang nasugatan nang pasabugan ng BHB ang trak na sinasakyan ng mga pasistang tropa.
Noong Pebrero 3, inambus ng BHB ang isang kolum ng kaaway sa komunidad ng Kiblis sa Barangay Hinalaan sa Kalamansig kung saan limang sundalo ang nasugatan.