Hustisya para sa Negros 14!
Kinundena ng iba’t-ibang organisasyon ang pagmasaker ng mga pwersa ng estado sa 14 na magsasaka sa Negros Oriental noong Marso 30. Inilunsad nila ang mga programa at protesta sa loob at labas ng bansa para manawagan ng hustisya.
Pinangunahan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Malaya Movement at International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP) ang Pandaigdigang Araw ng Protesta noong Abril 10. Ilandaang magsasaka, tagapagtanggol ng karapatang-tao at tagasuporta ang nagmartsa mula Morayta patungong Mendiola sa Maynila para papanagutin ang rehimeng Duterte sa malawakang pamamaslang nito sa mga magsasaka.
Naglunsad naman ang ICHRP ng katulad na mga pagkilos sa mga sentrong syudad ng 18 bansa. Kabilang dito ang mga protesta sa US, Canada, Australia, Britain, Belgium, The Netherlands, Japan, Korea, Singapore, Saudi Arabia, Hongkong, Senegal at Sri Lanka.
Bago nito, nagprotesta ang mga magsasaka at kasapi ng Bayan sa harap ng Camp Crame, Quezon City, at ang sektor ng kabataan-estudyante sa UP Diliman, General Santos at Manila City noong Abril 2. Sa mga sumunod na araw, naglunsad din ng mga protesta sa Davao, Iloilo at Cebu City.
Itinatag naman sa Cebu City ang alyansang “Stop the Attacks! Defend Life and Rights!” noong Abril 10. Naging tagapagsalita sa programa si Most Rev. Gerardo Alminaza, D.D., obispo ng diyosesis ng San Carlos City sa Negros Occidental.
Samantala, inilunsad ang “Fight Sauron,” isang konsyerto ng pakikiisa at paglaban, sa pangunguna ng Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo (SAKA) at Concerned Artists of the Philippines noong Abril 12 sa Kamuning, Quezon City.