Labanan ang dominasyong militar ng US at panghihimasok ng China
Ipinapakita ng mga pangyayari nitong nagdaang mga linggo ang kalunus-lunos na kawalang-kalayaan ng Pilipinas at pangangailangang makibaka para sa pambansang soberanya. Ang bansa’y nagmistulang palaruan ng malalaki’t makapangyarihang siga para ipangalandakan ang kanilang lakas sa militar at ekonomya, habang asal-alipin at inutil ang rehimeng US-Duterte sa pagtaguyod ng pambansang patrimonya at soberanya ng Pilipinas.
Sa isang banda, ipinusisyon ng China sa palibot ng Spratly Islands ang daan-daang pangisdang barko, na pinaniniwalaang may kargang mga armado. Mistulang sinakop nila ang pangisdaan at iba pang rekurso sa saklaw ng teritoryong-dagat ng Pilipinas. Dagdag pa, patuloy ang pagsira ng mga bahura sa kanilang mga operasyong reklamasyon para magtayo ng mga pasilidad pangmilitar at patatagin ang kanilang presensyang militar.
Sa kabilang banda, sa mas hayagan at aroganteng pagpapakita ng superyor na lakas-militar, hambog na pumasok sa bansa ang 3,500 tropang Amerikano na malugod na sinalubong ng kanilang mga alagad sa AFP. Ipinarada nila ang kanilang mga armas tulad ng mga barkong de-nukleyar, fighter jet at sasakyang panlusob mula sa dagat kaugnay ng mga pagsasanay na Balikatan noong Abril 1-12. Sa tabing ng mga pagsasanay, ginamit ng US ang bansa bilang lunsaran para sa paglalayag ng USS Wasp at pagpapalipad ng mga F-35B sa Panatag Shoal na nagdulot ng takot sa mga Pilipinong mangingisda. Layunin ng pagpapakitang-lakas na ito ang lalong palakasin ang kontrol ng US sa bansa, at igiit ang kapangyarihan sa South China Sea at buong Pacific.
Kumpara sa China, mas marami at mas malalaki ang agresibo at mapanghimasok na operasyong militar na inilunsad ng US sa tabing ng tinaguriang “freedom of navigation operation” at mga kasunduang militar sa Pilipinas.
Dahil sa ganitong pagpapakitang-gilas ng malalaking kapangyarihan, lumalaki ang banta ng gera sa Pacific at niyuyurakan ang pambansang soberanya ng Pilipinas. Bahagi ito ng umiigting na labanan para sa superyoridad sa militar at ekonomya sa pagitan ng malalaking kapangyarihan. Interesado lamang sila sa pagsulong ng kanilang mga magkatunggaling layuning kontrolin ang mga ruta sa kalakalan, pagkukunan ng hilaw na materyales, murang lakas-paggawa, lugar ng pamumuhunan, pamilihan ng mga eksport, at mga kampong militar.
Nagpapaalipin at lumuluhod sa dalawang siga ang sakim na si Duterte. Ipinagkakanulo niya ang patrimonya at soberanya ng bansa para ibayong mapalawak ang kanyang burukrata-kapitalista at pasistang interes.
Isinuko ni Duterte sa China ang teritoryong dagat ng bansa na kinikilala maging sa UN Convention on the Law of the Seas. Pumasok din siya sa pabigat na kasunduan sa pautang at mga kontrata ng gubyerno kung saan ginawang kolateral ang patrimonya ng bansa, kapalit ng malalaking kikbak para sa kanya at kanyang mga kroni.
Sa kabilang banda, kasabwat ni Duterte at ng AFP, todo-todo ang pamamayagpag ng militar ng US sa bansa. Tinanggap niyang gamitin ng US ang Pilipinas bilang base ng Operation Pacific Eagle-Philippines. Pumayag siyang magtayo ng mga sikretong pasilidad at mag-imbak ng armas ang US sa loob ng mga kampo ng AFP, maglunsad ng paparaming mga pagsasanay sa gera, magtayo ng mga radar at maniktik gamit ang mga drone, maglayag sa karagatan ng mga barkong pandigma at gamitin ang mga daungan, at magsanay at kontrolin ang mga operasyon ng mga yunit ng AFP. Nananatiling nakatali ang Pilipinas sa di pantay na mga kasunduang militar. Kapalit nito, nagbigay ang US ng ayudang militar para sa todo gera ni Duterte at sinusuplayan ito ng mga riple, kanyon, kinumpuning mga helikopter, drone at iba pang kagamitan.
Kaibigan at alyado raw ng mga makapangyarihang siga na ito ang mamamayang Pilipino. Ang totoo, sariling mga estratehikong interes ang kanilang isinusulong. Anang China, ginagamit niya ang kanyang kapangyarihan sa ekonomya para umunlad ang ibang bansa. Ang totoo’y tinatakam ng mga monopolyo kapitalistang Chinese ang rekursong mineral ng bansa para ipantustos sa kanilang mga industriya. Nagpapautang ito ng malalaking halaga para mailuwas ang kanyang labis na kapital at maibenta sa ibang bansa ang kanyang labis na asero.
Deklarasyon naman ng US ang “balot-sa-bakal na komitment na ipagtanggol ang Pilipinas” laban sa “pananakop ng China.” Ang totoo, ang US ang matagal nang sumasaklot sa Pilipinas. Patuloy ang paghaharing militar ng US para ipagtanggol ang sarili nitong ultra-nasyunal na interes, at hindi ang soberanya ng Pilipinas.
Kaaway, hindi kaibigan, ang imperyalismong US. Matagal na nitong nilupig ang bansa sa isang siglo ng kolonyalismo at neokolonyalismo gamit ang armadong pananalakay at panunupil. Nagpataw ito ng mga kasunduan sa kalakalan at patakaran sa ekonomya upang sapilitan tayong paasahin sa mga import, pautang at dayong pamumuhunan. Dinambong at sinimot ng malalaking korporasyong Amerikano ang mga kagubatan at natural na rekurso ng bansa, inagaw ang malalawak na lupaing agrikultural, sinamantala ang murang paggawa at hinigop ang dambuhalang tubo. Binansot nito ang ekonomya ng Pilipinas, pinigilan ang industriyalisasyon at itinali sa pagluluwas ng hilaw na materyales at malamanupaktura.
Kumpara sa imperyalismong US, na matagal nang dumambong at nagwasak sa Pilipinas, huli nang dumating ang China na kumakahig sa natitirang yaman ng bansa.
Nananatili ang bansa sa ilalim ng imperyalistang dominasyon ng US. Ang naghaharing estado sa Pilipinas ay estadong-kliyente ng US, at nagsisilbing pinakamatibay na haligi nito ang AFP na sinanay at indoktrinado ng US. Si Duterte ang kasalukuyang pinuno nito. Armado ng mga sandatang ibinigay ng US, ginagamit at itinutuon ng pasistang rehimen ang karahasan ng estado laban sa mamamayang Pilipino at lahat ng kanilang mga pwersang patriyotiko at demoktratiko.
Ang mga pwersang ito, kabilang ang Partido Komunista ng Pilipinas, ay matatag at militanteng tumitindig para sa pambansa at panlipunang pagpalaya. Pangunahin nilang iginigiit na wakasan ang imperyalistang dominasyon ng US at kundenahin ang pagpapakatuta ng gubyerno ng Pilipinas. Isinisigaw nila ang pagbasura sa mga tratadong militar ng US-RP at panghihimasok militar ng US at nakikibaka para mapalaya ang bansa mula sa pang-ekonomya at pampulitikang mga tanikala.
Bilang mga makabayan, kinukundena rin nila ang pambabraso ng China, presensyang militar at okupasyon nito ng teritoryong dagat ng Pilipinas sa South China Sea at pagdambong ng mga rekursong dagat at binabatikos ang kainutilan ng rehimeng Duterte na magsagawa ng mga kinakailangang diplomatiko at pampulitikang hakbang upang igiit ang mga karapatan ng bansa. Nilalabanan din nila ang mabibigat na pautang at maaanomalyang mga kontratang imprastruktura sa China.
Habang tinutuligsa ang panghihimasok at pang-ekonomyang pang-aapi ng China, hindi nila kinakaligtaan ang mas malaking kaaway at itinutuon ang mas mariing pagkundena sa imperyalismong US, na patuloy na sumasaklot sa Pilipinas gamit ang pwersang militar, kumukontrol at nag-aarmas sa neokolonyal na estado ng Pilipinas at tumatayong pinakamalaking hadlang sa adhikain ng mamamayang Pilipino para sa pambansa at panlipunang paglaya.