Lider Manobo, pinaslang
Pinaslang si Datu Kaylo Bontulan, lider Manobo at upisyal ng Pasaka at Salugpungan, ng mga elemento ng 3rd IB na walang patumanggang naghulog ng mga bomba at namaril sa Barangay Kipilas, Kitaotao, Bukidnon noong Abril 7. Bumibisita noon si Datu Kaylo sa lugar para alamin ang kalagayan ng mga nagbakwit doon na mga Manobo mula sa Talaingod. Kilala siya bilang isa sa mga lider ng Talaingod na matagal nang lumalaban para ipagtanggol ang kanilang lupaing ninuno.
Samantala, pitong sibilyan ang iligal na inaresto ng mga pwersa ng estado nitong Abril sa Iloilo, Bulacan at Cagayan Valley.
Sa Iloilo, inaresto ng mga elemento ng 61st IB si Remy Diaz, kasapi ng Tumanduk Panay, sa Barangay Masaroy, Calinog noong Abril 16, alas-12 ng hatinggabi. Ipinrisinta ang biktima na kasapi ng BHB. Pinaputukan ng mga sundalo ang mga upisyal ng barangay na nagtangkang saklolohan ang biktima.
Sa Bulacan, dinukot ng mga elemento ng 48th IB sina John Griefen Arlegui at Reynaldo Remias, mga organisador ng Kadamay sa Pandi, noong tanghali ng Abril 13 habang nagdidikit ng mga poster ng Bayan Muna at ni Neri Colmenares sa Angat-Pandi Road. Natagpuan kinabukasan ang mga biktima sa kulungan ng CIDG Malolos. Sinampahan sila ng gawa-gawang kasong illegal possession of firearms.
Sa Cagayan, inaresto ng mga pulis sina Ariel Madriaga, Felix Madriaga, Jovito Madriaga at Adrian Panturgo sa Barangay Dafunganay, Amulung noong Abril 15, dakong alas-5 ng umaga. Bago nito, dakong alas-3, pinalibutan ng mga armadong lalaki na nakatakip ang mukha ang mga bahay ng mga biktima. Pagkatapos nito ay pinasok, iligal na hinalughog at tinamnan ng mga salarin ng ebidensyang mga baril, bala at bomba ang mga bahay.
Samantala, hinarang ng mga sundalo sa isang tsekpoynt ang grupo ng Bayan Muna na magdidikit sana ng mga poster sa Abatan, Bauko, Mt. Province noong Abril 4. Walang pahintulot na kinuhaan ng litrato ang sasakyan at mga kasapi ng grupo. Hinalughog din ang kanilang sasakyan at pinaratangan silang nagtatago ng mga armas.