Metro Manila, dadanas ng rotational brownout
Hindi pa nalulutas ang problema sa suplay ng tubig, nahaharap naman ang mga residente ng Metro Manila sa rotational brownout o nakaiskedyul na pagkawala ng kuryente sa kabuuan ng tag-init. Dulot ito ng sabay-sabay na pagsasara ng 20 planta na nagsusuplay ng kuryente sa Luzon.
Ang sabay-sabay na pagsasara tuwing tag-init ay paraan ng mga pribadong kumpanyang nagpoprodyus ng enerhiya para ipitin ang suplay at itaas ang presyo ng kuryente. Kasabwat ang mga kumpanya sa distribusyon tulad ng Meralco, ipinapasa ang dagdag na singil sa mga konsyumer. Ang kalakarang ito ay bunsod ng deregulasyon ng sektor sa enerhiya kung saan ipinaubaya sa mga pribadong kumpanya ang produksyon at pagpepresyo ng kuryente.
Sinasamantala ng Meralco at kasabwat nitong mga kumpanyang nagpoprodyus ng kuryente ang nakaiskedyul na brownout para itulak ang planong magtayo ng dagdag na mga plantang pang-enerhiya. Nagbanta si Manuel Pangilinan, punong upisyal ng Meralco, ng mas madalas pang mga brownout kung hindi ito itutuloy. Sa minimum, kakailanganin ng $30 bilyon para magtayo ng bagong mga planta sa susunod na mga taon. Tulad sa nakaraan, babalikatin ng mamamayan ang gastos ng pagtatayo ng mga pribadong plantang ito sa anyo ng matataas na singil sa kuryente.
Liban sa Metro Manila, makararanas din ng rotational brownout ang mga residente sa ilang bahagi ng Laguna at Rizal.