Mga gardener sa Cordillera, binabarat

,

Nitong unang kwarto ng 2019, tuluy-tuloy ang pagsadsad ng presyo ng gulay sa iba’t ibang trading post sa Cordillera. Bumagsak hanggang piso bawat kilo (P1/kilo) na lamang ang pagbili ng wombok at karots ng mga negosyante mula sa mga magsasaka dahil umano sa sobra-sobrang suplay.

Luging-lugi na at lubog sa utang ang mga magsasaka sa gulay (tinatawag na gardener sa Cordillera) na una nang sinalanta ng habagat, bagyong Ompong at Rosita.

Sa harap nito, patuloy ang pagtaas ng presyo ng naturang mga gulay sa mga pampublikong pamilihan. Umaabot sa P65/kilo ang abereyds na presyo ng mga ito sa malalaking syudad tulad ng Maynila. Ito ay dahil kontrolado ng malalaking trader (negosyante) sa gulay at mga kasosyo nilang komersyante, na tumatayong “middleman” o namamagitan sa pamilihan, ang presyo ng gulay. Binibili ng mga trader sa napakababang presyo ang gulay sa mga magsasaka, at kakutsaba ang ibang trader, sobra-sobrang pinapatungan ang presyo. Dahil dito, napakamahal na ng gulay pagdating sa mga palengke.

Ang solusyon ng gubyerno sa krisis na ito ay pag-alok ng crop insurance o garantiya sa pananim na babayaran ng mga magsasaka. Ang mga walang insurance ay maaari umanong umutang ng P25,000 para makaagapay sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Pero ayon sa mga magsasaka, hindi aabot ang halagang ito at kahit ang iniaalok ng Department of Agriculture na P35,000 pautang sa 1/4 ng kabuuang kapital na kailangan para sa pagtatanim sa isang ektaryang gulay.

Hindi rin nito nireresolba ang isyu ng sobrang suplay na dulot ng labis na importasyon. Bumabagsak ang presyo ng gulay dulot ng pagbaha ng mga dayong produkto na nakikipagkumpitensya sa lokal na produkto ng mga magsasaka sa gulay. Sa pamamagitan ng todong-liberalisasyon sa agrikultura ng rehimeng Duterte, ibinubuyangyang ang bansa at malayang pumapasok ang produkto ng malalaking dayuhang kapitalista nang walang taripa. Kasabwat ang lokal na malalaking trader, nakapagbebenta ang mga ito ng gulay sa itinatakda nilang presyo.

Mga gardener sa Cordillera, binabarat