Pasistang propaganda, sangkap sa todo-gera
Kasabay ng matinding pang-aatake sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan, pinaiigting ng rehimeng US-Duterte ang pasistang propaganda laban sa Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), Bagong Hukbong Bayan (BHB), lahat ng rebolusyonaryong pwersa, at sa mga pwersang ligal at demokratiko.
Kinakasangkapan ng rehimen ang pasistang propaganda para ihanda at hubugin ang opinyong publiko para bigyang katwiran ang pagsupil nito sa lehitimong mga pakikibaka ng masang anakpawis. Partikular na katangian ng kampanyang ito ang pagdedeklarang “teroristang organisasyon” ang PKP-BHB at na “walang-saysay” ang rebolusyonaryong pakikibaka. Tahasan ding binabansagan ang hayag at ligal na mga progresibong institusyon at organisasyong masa bilang “mga prenteng komunista.”
Tampok na halimbawa nito ang pagpapakalat ng mga pekeng balita ng engkwentro para pagtakpan ang laganap na mga kaso ng pagpaslang sa mga aktibistang magsasaka; pagbansag sa mga paaralang Lumad bilang mga “paaralan sa pagsasanay ng BHB;” pagpaparada sa mga sibilyan bilang mga “sumurender” na kasapi o tagasuporta ng BHB; pagpwersa sa mga lokal na gubyerno na maglabas ng mga deklarasyong “persona non grata” (mga taong di tinatanggap) ang BHB; at iba pa.
Direktang ipinapailalim ng AFP ang mga lokal na gubyerno mula antas prubinsya hanggang barangay sa tangkang ipagkait sa rebolusyonaryong kilusan ang baseng masa. Halos araw-araw, bukambibig ni Duterte at mga tagapagsalita ng mga ito ang mga kasinungalingan at paninira sa PKP, BHB at buong rebolusyonaryong kilusan. Ginagamit ng AFP kapwa ang tradisyunal at social media para padaluyin ang kanilang propaganda, habang kinokontrol ang daloy ng impormasyon mula sa mga lugar na inaatake ng kanilang mga tropa. Pinagbabantaan at ginigipit ng mga ito ang mga mamamahayag na nangangahas magsiwalat sa mga abuso at krimen ng militar at pulis.
Ginagamit din ng AFP ang mga sustenidong operasyong peace and development (PDT o COPD) para magkalat ng disimpormasyon at takutin ang mamamayan para busalan ang kanilang mga paglaban at gawin silang pasibo.