Proyektong Chico dam, labag sa soberanya

,

Lumalawak ang oposisyon sa proyektong dam na Chico River Pump Irrigation Project sa Kalinga matapos malantad ang malulubhang paglabag nito sa soberanya at patrimonya ng bansa.

Kapalit ng mahigit $62 milyong pautang mula China para sa naturang proyekto, isinuko ng rehimeng Duterte ang yamang rekurso ng bansa bilang kolateral. Anumang sigalot na ibubunsod ng proyekto ay isasampa at dedesisyunan hindi sa mga korte ng Pilipinas kundi sa isang korte na itinatag ng China para sa mga dayuhang proyekto nito. Dagdag pa, ibinigay ang proyekto sa kontraktor at manggagawang Chinese, sa halip na sa mga Pilipino. Pumayag din ang rehimeng Duterte na isikreto ang mga detalye ng kontrata na pinirmahan noong Abril 2018.

Liban dito, napakataas ng ipinataw ng China na 2% interes kada taon kumpara sa karaniwang 0.25%-0.75% lamang sa mga pautang ng ibang bansa. May mga dagdag ding bayarin tulad ng $186,260 na “management fee” at taunang 0.3% “commitment fee.” Sinisingil ito upang may tiyak na kita ang China mula sa konstruksyon sa mga panahong naantala o pansamantalang natitigil ang proyekto, na karaniwang nangyayari sa mga proyektong malalaking dam.

Nagpautang din ang China ng $211 milyon para sa Kaliwa Dam sa Quezon, na may halos katulad na mga kundisyon.

Tinarget na itayo ang dam sa lupaing ninuno ng Kaigorotan sa Pinukpuk, Kalinga. Ikinagulat ng mga residente sa lugar ang pagpasok ng mga heavy equipment at tauhan ng kontraktor na China CAMC Engineering Co. Ltd.. Nagtayo ng istruktura para sa mga manggagawang Chinese at nagsimula ng paghuhukay ang kontraktor kahit wala pang pahintulot mula sa mga komunidad na Igorot. Labag ito sa kanilang karapatan sa pagpapasya-sa-sarili.

Proyektong Chico dam, labag sa soberanya