Rebolusyonaryong paglaban ng Kaigorotan
Kung hindi dahil sa matibay at maalab na paglaban ng pambansang minorya sa tulong ng hukbong bayan upang ipagtanggol ang lupaing ninuno, matagal na sanang nawala ang Cordillera.
Ito ang pahayag ni Simon Naogsan (Ka Filiw), tagapagsalita ng Cordillera People’s Democratic Front (CPDF) sa di-maitatatwang papel ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa pakikibaka ng mamamayang Igorot para sa pagpapasya-sa-sarili at demokrasya, at para sa pagpapalaya ng bansa.
Sa kanyang pahayag noong Marso 21, kinilala ni Ka Filiw ang pagsisikhay ng BHB sa gawaing masa, panlipunang pagsisiyasat at pag-aaral sa partikular na kalagayan ng iba’t ibang tribu sa Cordillera. Pagsapit ng huling bahagi ng dekada 1970, nakapag-ugat na ang rebolusyonaryong kilusan sa anim na prubinsya ng Cordillera. Nailuwal ang mga dokumentong bumaybay sa pambansang pang-aapi sa Cordillera na siyang partikularidad ng kanilang pakikibaka.
Kabilang ang mga paglaban sa Chico Dam at Cellophil sa mga unang bumasag sa tiraniya ng diktadurang Marcos. Pinagtibay ng mga labang ito, at ng sumunod pang mga laban ng masa na umabot sa hangganan ng Ilocos Sur, ang kapasyahan ng mga Igorot na ipagtanggol ang kanilang lupaing ninuno at yamang rekurso. Kalakhan ng mga pakikibakang masa ay laban sa mga mina, para sa pagbawi sa lupaing ninuno at laban sa pagdistrungka sa sistemang sosyo-pulitikal ng mamamayang Igorot.
Rumurok ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka ng mamamayang Igorot sa pagkatatatag ng CPDF noong 1989. Ang CPDF ang kongkretong anyo ng rebolusyonaryong pakikibaka ng mga Igorot. Ito ay alyansa ng lahat ng mga demokratikong uri at sektor sa rehiyon, at tumatayong rebolusyonaryong nagkakaisang prente o NDF ng Cordillera. Naging susi ang CPDF sa pagtatayo ng unang mga organo ng kapangyarihang pampulitika hanggang sa mga pwerang bahagi ng Cordillera. Sa pagkakabuo ng mga Konseho ng mga Lider sa mga komunidad hanggang antas munisipyo, nailagay sa unang pagkakataon sa kamay ng mamamayang Igorot ang tunay na demokratikong kapangyarihang pampulitika. Sinuklian ito ng matinding karahasan ng reaksyunaryong estado na suportado ng mga imperyalistang bansa na may malalaking interes sa mina sa kabundukan ng rehiyon.
Hamon ngayon sa mamamayang Igorot ang patuloy na labanan ang mga mapaminsalang mina at proyektong dam at enerhiya sa Cordillera. Kasabay nito ang matinding militarisasyon at saywar upang supilin ang paglaban ng mga komunidad at buwagin ang kanilang pagkakaisa. Inuudyukan ang mga magsasaka at kabataang Igorot na maging sundalo at paramilitar, at sinasalaula ang katutubong mga sistemang sosyo-pulitikal tulad ng mga dap-ay at bodong upang gamitin sa “kontra-insurhensya.”
Hamon din ang itinutulak ng mga pulitiko sa Cordillera na pekeng awtonomiya sa rehiyon. Samantala, nananatili ang pagkaatrasado ng agrikultura na pinalala ng kapabayaan ng gubyerno. Ginagawa ring komersyalisado ang katutubong kultura at tradisyon, at pinalalaganap ang dekadenteng kultura habang pinapawi ang militanteng tradisyon ng mamamayan ng Cordillera.