Sindikato ng droga sa loob ng burukrasya
Isang retiradong koronel na bayaran kapwa ng sindikato ng droga at sindikato ng pandaraya sa eleksyon ang itinalaga ni Rodrigo Duterte na executive director ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict noong Marso 25.
Kilala si Ret. Col. Allen Arat Capuyan sa kanyang papel sa ismagling ng shabu na nagkakahalaga ng P6.4 bilyon sa Bureau of Customs (BoC) noong 2017. Nagsisilbi siya noon bilang punong upisyal panseguridad ng Manila International Airport Authority. Itinuro siya ni Mark Taguba, isa sa mga nagpapalusot ng shabu sa BoC, bilang bahagi ng makapangyarihang grupo ng mga taga-Davao na binabayaran ng mga druglord para iiwas ang kanilang mga kargamento sa inspeksyon. Bahagi ng grupong ito ang anak ni Duterte na si Paolo at kanyang manugang na si Manases Carpio.
Noong 2011, lumutang na ang pangalan ni Capuyan bilang pinuno ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines na tumanggap at nagsunog sa mga tape ng kontrobersyang “Hello Garci” ng eleksyong 2004. Nilaman ng mga tape na ito ang pakikipag-areglo ni Gloria Macapagal-Arroyo, noo’y tumatakbong presidente, kay Virgilio Garcillano, komisyuner ng Commission on Elections, para dagdagan ng isang milyon ang kanyang mga boto.
Noon ding Marso, nabunyag ang pagkakasangkot ni Michael Yang, negosyanteng Chinese at malapit na tagapayo ni Duterte sa mga usaping China, sa malawakang produksyon at pagbebenta ng shabu sa Mindanao at Luzon.
Sa inilabas na ulat ni dating PSSupt. Eduardo Acierto, direktang iniugnay si Yang at mga kasosyo niyang sina Johnson Chua at Allan Lim sa ismagling at pagtutulak ng droga pangunahin sa Mindanao. Ayon sa imbestigasyon ng grupo ni Acierto, si Yang at Lim ang namamahala sa distribusyon ng shabu sa loob at kalapit na mga bansa gamit ang mga kontak nila sa BoC habang si Chua naman ang nagtitiyak sa kanilang mga laboratoryo. Ani Acierto, hindi bababa sa P50,000 bawat kilo ng kargamento ng shabu ang singil ni Lim at Yang. Ginagamit ng sindikatong ito ang kanilang mga lehitimong negosyo upang itago at ilusot ang kanilang mga kontrabando at iligal na transaksyon.
Sina Capuyan at Yang ay ilan lamang sa mga personalidad na nakapaligid kay Duterte na may direktang ugnay sa mga sindikato ng droga. Binibigyan-laya sila ni Duterte na mandambong at maminsala sa bayan, kapalit ng kanilang pondo, katapatan at suporta sa kanyang inaambisyong diktadura.