Bata, patay sa sumabog na granada ng AFP
Isang siyam na taong gulang na bata ang namatay matapos sumabog ang granadang inihagis ng isang lasing na sundalo ng 20th IB sa Barangay San Miguel, Las Navas noong Abril 17. Bumibili noon ang biktima na si Armando Jay Raymunde sa tindahan sa tapat ng bahay na ginawang kampuhan ng mga sundalo.
Matapos ang insidente, agad na nagpalabas ng pekeng balita ang 20th IB at ibinintang ang kanilang krimen sa Bagong Hukbong Bayan (BHB). Ito ay sa kabila ng pagpapasinungaling ng mga nakasaksing kapitbahay.
Liban kay Raymunde, lima pang sibilyan ang napatay ng mga sundalo. Noong Abril 25, alas-4 ng hapon, pinagbabaril hanggang mapatay ng mga sundalo si Apolinario “Kap Pining” Lebico, kapitan ng naturang barangay. Sakay ng habal-habal si Lebico nang pagbabarilin ng mga lalaking nakamotorsiklo malapit lamang sa punong himpilan ng 20th IB sa Barangay San Jorge ng nasabing bayan. Malubhang sugatan ang kanyang manugang na si Dudong Capoquian, ang drayber ng habal-habal. Nakita pa ni Capoquian na dumiretso ang mga salarin sa loob ng kampo militar.
Pauwi noon si Lebico mula sa sentro ng Las Navas kung saan siya nangalap ng suporta para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanyang kamag-anak na batang Raymunde. Matagal na naging aktibo si Lebico sa paglaban sa militarisasyon sa kanilang baryo at mga karatig-lugar. Ilang ulit na siyang inakusahan ng militar na tagasuporta ng BHB.
Nagkakampo ang mga pangkat sa “peace and development” ng 20th IB sa sibilyang mga istruktura sa loob ng mga barangay sa Las Navas. Pinamumunuan sila ni 1st Lt. Daniel Salvador Sumawang.
Nitong Mayo 6, pinagbabaril hanggang mapatay ng mga sundalo ng 20th IB si Melvin Obiado Cabe, residente ng Sityo Inoman sa Barangay Tagabiran, kung saan may nakatayong detatsment ng militar. Malubhang sugatan din ang anak ni Cabe.
Noong Abril 24, alas-9 ng gabi, pinatay naman si Wilmar Calutan, punong barangay ng Beri, Calbiga. Habang ipinagdiriwang ang pista ng barangay, dumating ang mga lalaking nakamotorsiklo at pumunta sa bahay ni Calutan. Inabutan siya sa loob ng banyo at doon pinagbabaril. Nakilala ng mga residente na mga sundalo ng 46th IB ang mga salarin.
Ayon sa taumbaryo, matapos ang ambus ng BHB noong Abril 23, ipinatawag ng mga sundalo si Calutan. Pinalayas din ng mga sundalo ang mga residente at mga bisita mula sa ibang baryo dahil may tao umano silang “kakatayin.” Dahil sa takot, napilitan ang mahigit 370 residente na magbakwit.
Sa Negros Occidental noong Abril 22, alas-4:30 ng hapon, pinatay ng mga tauhan ng estado si Bernardino “Tatay Toto” Patigas, 72, tagapagtanggol ng karapatang-tao at kasalukuyang konsehal ng Escalante City.
Sakay ng kanyang motorsiklo ang biktima papunta sa sentro ng syudad nang parahin siya ng dalawang lalaki at pagbabarilin.
Isa si Patigas sa mga nakaligtas sa Escalante Massacre noong panahon ng diktadurang Marcos. Kabilang rin siya sa nagtayo at naging pangulong tagapagtatag ng North Negros Alliance of Human Rights Advocates. Mahigit tatlong dekada siyang naging aktibo sa pagtataguyod ng karapatang-tao.
Noong Abril 30, ala-1:40 ng hapon, pinatay sa pamamaril si Dennis Espano, 28, residente ng Barangay Tinampo, Bulusan, Sorsogon. Namamasada ang biktima sa kahabaan ng Barangay Poctol sa nasabing bayan nang harangin sila ng apat na lalaking sakay ng dalawang motorsiklo. Malapitang pinagbabaril ng mga ahente ng estado si Espano na agad niyang ikinamatay. Malubhang nasugatan naman ang dalawa niyang pasaherong sina Lilian Monteo at Zoren Furio. Si Espano ay aktibong myembro ng Anakpawis.
Panggigipit. Tatlong istap ng Karapatan-Sorsogon ang sinundan ng mga ahente sa paniktik habang pauwi mula sa kanilang upisina noong Abril 21, bandang alas-10 ng gabi.
Iniulat nina Ryan Hubilla, Elzie Aringgo at Rachelle Duave na binuntutan sila ng isang motorsiklo at sasakyang pick-up habang pauwi mula sa kanilang upisina.
Sa Barangay San Isidro, San Jose Del Monte, Bulacan, pinasok ng mga lalaking nakabonet ang bahay ni Mario Aki noong Abril 23 ng gabi. Ilang araw bago nito, kinumpronta ng mga sundalo ng 48th IB si Aki dahil myembro siya ng samahang magsasakang Pinagbuklod. Ilang linggo nang hinahalihaw ng mga sundalo ng 48th IB ang mga barangay ng San Jose Del Monte.
NAMATAY SA ALTAPRESYON noong Abril 19 ang bilanggong pulitikal na si Franco Romeroso habang nasa isang ospital sa Batangas City. Nagpapagamot siya sa sakit na tuberculosis at diabetes.
Isa si Romeroso sa tinaguriang Morong 43—mga manggagawang pangkalusugan na iligal na inaresto noong 2010 at ikinulong nang 10 buwan. Muling inaresto si Romeroso noong Marso 2015 sa gawa-gawang mga kaso. Siya ang ikaapat na bilanggong pulitikal na namatay sa ilalim ng rehimeng Duterte.
May 548 bilanggong pulitikal ngayon sa bansa, kung saan di bababa sa 225 ang inaresto sa ilalim ng kasalukuyang rehimen.