Gaza, muling inaatake ng Israel
Umabot na sa 19 Palestino ang napatay sa mga pambobomba ng Israel sa residensyal na bahagi ng Gaza sa loob ng dalawang araw nitong Mayo. Kabilang dito ang isang buntis at isang apat na buwang sanggol. Ang pambobomba ay sagot ng Israel sa ilang atake na inilunsad ng Hamas sa mga pwersang panseguridad ng Israel. Naganap ito sa gitna ng negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng dalawang bansa.
Bago nito, naglunsad ng demonstrasyon ang libu-libong mga Palestino malapit sa pader sa paligid ng bahagi ng Gaza na inokupa ng Israel. Ang demonstrasyon ay paggunita sa anibersaryo ng mga pagkilos noong nakaraang taon kung saan 62 ang pinaslang ng mga sundalo ng Israel sa isang araw lamang. Panawagan nila na ibalik ang mga teritoryong inagaw sa kanila ng Israel noon pang 1948, kung saan naganap ang malawakang pagbabakwit ng mga Palestino mula sa kanilang mga lugar na tinawag nilang “Al Nakba” o Ang Sakuna.