Huwad na larawan ng suporta sa kampanyang kontra-insurhensya ng AFP
Sa nagdaang ilang buwan, pinatakbo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang isang palabas sa midya para lumikha ng huwad na larawan ng “suporta” para sa brutal na National Internal Security Plan o Oplan Kapayapaan na gerang panunupil ng rehimeng Duterte. Gamit ang kapangyarihang de facto martial law, inobliga ng AFP ang ilang upisyal ng mga lokal na yunit ng gubyerno na maglabas ng mga resolusyon na nagdedeklarang “persona non grata” (o mga taong di katanggap-tanggap) ang Partido, ang BHB at ang mga tinataguriang “maka-Kaliwang grupo.”
Hungkag. Maya’t maya ang putak sa midya ng mga tauhan ng AFP na ang mga resolusyong ito umano’y ebidensya ng “nagkakaisang kilusan ng suporta” laban sa PKP at BHB. Mula Oktubre noong nakaraang taon, naglabas ang AFP ng mga pahayag sa midya na inilimbag ng ahensyang pambalitaan ng Malacañang. Batay sa mga pahayag na ito, mayroon diumanong di lalagpas sa 50 barangay, 15 bayan at 15 prubinsya ang naglabas ng gayong mga deklarasyon.
Ang lahat ng mga lugar na ito ay wala pa sa 0.12% ng kabuuang bilang ng barangay sa buong bansa. Ito ay 0.35% din lamang ng lahat ng barangay na nasasaklaw sa operasyon ng mga yunit ng BHB. Sa mga barangay na inilista ng AFP, halos kalahati ang nakakonsentra sa prubinsya ng Bukidnon, na may 464 na barangay.
Kumpara sa antas barangay, lalong walang kabuluhan ang yaong inilabas sa antas bayan at prubinsya, na ang mga upisyal ay pawang burukratang kakuntsaba ng mga lokal na upisyal militar at pulis. Pero kahit sa mga antas na ito, nagawa lang ng AFP na makakumbinse ng 3.5% ng kabuuang bilang ng bayan at mga syudad at 18% lamang ng lahat ng prubinsya na gumawa ng gayong resolusyon.
Sa kabuuan, napakaliit ng mga bilang na ito para gawing batayan ng AFP sa mga engradeng deklarasyong tulad ng “pagsugpo sa insurhensya sa mga ugat nito.”
Kumpas ng AFP. Pinalalabas na ang mga resolusyong kontra-BHB ng mga “peace and order council” (POC) ay sumasalamin sa sentimyento ng bayan. Ang totoo, ito’y ikinumpas ng AFP at ng Department of Interior and Local Government (DILG). Inobliga nila ang iba’t ibang ahensya ng gubyerno na “makipagtulungan” sa ilalim ng National Task Force ni Duterte at sa itinutulak nitong kaparaanang “buong bayan” o whole-of-nation approach. Para suportahan ang AFP, naglabas ang DILG ng memo sirkular na “nagbabawal sumuporta sa mga grupong komunista at maka-Kaliwa.”
Inilabas ang mga resolusyon sa pamamagitan ng mga “peace and order council” na matagal nang nagsisilbing dugtong ng AFP para itulak ang adyendang kontra-insurhensya sa mga ahensya ng lokal na gubyerno. Kunwa’y dumadalo lamang, pero ang totoo’y pinangunguluhan ng mga upisyal ng militar ang mga pulong ng POC sa antas-bayan, prubinsya o rehiyon. Tinatakot ng AFP ang mga upisyal ng lokal na gubyerno at inoobligang sumunod sa kumpas nito sa takot na maparatangan na komunista.
Isinunod ang mga deklarasyon sa inihandang padron ng AFP na sadyang bulag sa mapang-api at mapagsamantalang kalagayang sosyo-ekonomiko na nasa ugat ng armadong pakikibaka ng bayan, at sa halip ay naglalarawan sa armadong paglaban bilang “terorismo at panggugulo” at “hadlang sa progreso.”
Sa pahayag ng 48th IB at 84th IB, inamin nilang “inudyok” nila ang mga lokal na upisyal ng Bulacan na ilabas ang gayong mga deklarasyon. Sa Negros Oriental, inutusan ng pinunong mga upisyal ng 3rd ID ang POC ng prubinsya na ilabas ang resolusyon batay sa borador na sila mismo ang nagbigay. Ang pulong sa La Union ng mga pamprubinsyang POC noong Marso 29 ay tuwirang pinanguluhan ng mismong kumander ng 7th ID na si Maj. Gen. Lenard Agustin.
Sa Bukidnon, ang inilabas na resolusyon sa mga barangay ay isinaayos sa kabuuan ng 1st Special Forces Battalion (SFB) na nag-ooperasyon sa prubinsya. Ang 1st SFB ay bantog na pasistang yunit ng AFP na nangmasaker sa limang magsasakang Lumad noong Agosto 18, 2015 sa Pangantucan, Bukidnon at sa apat na magsasaka noong Marso 28, 2015 sa Tagoloan, Misamis Oriental.
Saywar at korapsyon. Ang mga deklarasyon laban sa BHB na ikimumpas ng AFP ay bahagi ng kampanyang saywar nito. Isa lamang ito sa kaliwa’t kanang gimik ni Duterte at ng AFP. Nariyan din ang palabas na mga “surender” kung saan libu-libong mga magsasaka at minorya na ang tinipon sa mga rali na inorganisa ng AFP at pinalalabas sa midya na mga rebelde na “sumumpa ng katapatan” sa AFP. Malamang na sa susunod na mga buwan, isasagawa ng rehimeng Duterte ang tinaguriang “lokal na usapang pangkapayapaan” kung saan kakausapin ng mga upisyal militar at upisyal ng gubyerno ang sarili nilang anino para makakuha ng malaking pondo ng gubyerno.
Ang kampanyang saywar ng AFP ay walang kabuluhang tangka na magpakitang lakas at pahinain ang loob ng bayan na magpunyagi sa landas ng armadong paglaban. Pinagtatakpan nito ang malulubhang problema ng kawalan ng lupa, pang-aagaw ng lupa at yaman, na siyang nasa ugat ng paghihirap ng mamamayan. Para igiit ang presensya gubyerno, laluna sa mga liblib na komunidad, may mga palabas na mga “proyektong pangkaunlaran” ang rehimeng Duterte tulad ng pagtatatayo ng mga eskwelahan, pagbibigay ng mga pagsasanay at iba pa. Ipinatutupad ito ng mga yunit ng AFP para mapanatili ang mapanindak na presensya nito sa mga komunidad na bahagi ng brutal na taktika ng pagkontrol sa populasyon.
Ang korapsyon ay saligang katangian ng kontra-insurhensya. Sa paglulunsad ng mga palabas na kontra-BHB, nagagawa ng mga upisyal ng AFP, laluna sa antas dibisyon pababa, na makibahagi sa daan-daang milyong pisong “pondong pangkaunlaran” o para sa “community integration” na nakalaan sa kontra-insurhensya. Kasabwat nila ang mga lokal na upisyal at ahensya, pati na ang mga lokal na negosyo, sa mga proyektong pinatungan ang presyo na hindi dumadaan sa pagsusubasta.
Pagsupil sa mga karapatan. Layunin ng kampanyang “persona non grata” ng AFP na supilin ang mga kalayaan ng bayan at hadlangan ang paggamit ng kanilang mga demokratikong karapatan na mag-organisa at magpahayag ng hinaing. Target ng mga deklarasyon ang mga “organisasyong maka-Kaliwa” at ginagamit para sa malawakang pagbabansag na komunista upang gawing iligal ang anumang anyo ng mga organisasyong magsasaka. Kung ipatutupad para pigilang makapasok sa mga baryo ang mga aktibista, organisador o maging mga nagbibigay ng serbisyo o saklolo, nilalabag ng AFP maging ang batayang karapatan ninuman na magtungo sa anumang bahagi ng bansa.
Ginagamit ng AFP ang mga deklarasyong ito para ipilit na panatilihin ang armadong presensya nito sa mga komunidad na pabigat sa mga tao, sumisira sa kapayapaan ng komunidad at buhay ng mga pamilya, at paglabag sa mga internasyunal na protokol na nagbibigay-proteksyon sa mga komunidad sa panahon ng digma. Sa kamay ng AFP, ang mga deklarasyong ito ay ginagamit para ipataw ang absolutong kontrol sa pamamagitan ng pagtakda kung sino ang maaari o di dapat tanggapin sa mga komunidad na kanilang sinasakop.
Iwaksi ang kampanya ng AFP. Kung tutuusin, ang pasista, korap at kriminal na AFP ang totoong mga persona non grata sa mga komunidad ng magsasaka at minorya. Pinananatili nila ang kanilang presensya sa mga ito, hindi dahil may suporta sila ng mamamayan, kundi dahil itinututok nila ang baril sa mga tao. Ikinukubli nila ang kanilang mga pasistang pangil, subalit sa pinakamaliit na kibot ng paglaban, mabilis na hinuhubad ang pagkukunwari at sinasagpang ng pasistang dahas ang sinumang humamon sa kanilang absolutong paghahari.
Ang maliit na porsyento ng mga lokal na yunit ng gubyerno na nagpahinuhod sa pagtutulak ng AFP na ideklara nilang “persona non grata” ang BHB ay patunay na hindi lahat, kahit sa loob ng burukrasya ng reaksyunaryong estado, ay madaling nadadala ng AFP. Batid nila na ang ganitong mga deklarasyon ay magsisilbi lamang sa iskema ni Duterte at ng AFP na ipataw ang paghaharing militar sa buong bansa. Sa harap ng paninindak at mga banta, hindi lahat ng upisyal ng gubyerno ay handang makipagsayaw sa duguang AFP.