Ika-35 Araw ng Cordillera, ipinagdiwang
Sa pamumuno ng Cordillera People’s Alliance (CPA), libu-libo ang dumalo sa pagdiriwang ng ika-35 Araw ng Cordillera mula Abril 23-29. Ginunita ito sa pamamagitan ng mga protesta, porum, konsyerto at mga kultural na pagtatanghal. Nagkaisa ang mga pambansang minorya at mga tagasuporta sa temang “Labanan ang tiraniya! Isulong ang pulitika ng pagbabago at sariling pagpapasya!”
Ginunita ng mga dumalo ang kabayanihan ni Macliing Dulag, lider ng tribung Kalinga na lumaban sa proyektong Chico River Dam ng diktadurang Marcos. Pinaslang si Dulag ng mga sundalo noong Abril 24, 1980.
Higit 3,000 ang nagmartsa sa Benguet noong Abril 29. Nilahukan ito ng mga pambansang minorya mula Mindanao, Panay, Central Luzon at Southern Tagalog. Dumalo rin ang mga tagasuporta mula sa ibang bansa. Nagtipon naman noong Abril 27 ang mga kasapi ng CPA sa Mt. Province, Apayao at Ifugao.
Pinangunahan rin ng CPA ang isang protesta sa lokasyon ng Chico River Pump Irrigation Project sa Pinucoc, Pinukpuk, Kalinga noong Abril 23. Kinabukasan, 1,000 ang lumahok sa isang protesta sa Tabuk City para labanan ang tiraniya. Noon namang Abril 24, nagmartsa ang mga progresibong organisasyon sa Baguio City at sa Bangued, Abra. Samantala, nagdiwang noong Abril 21 ang mga katutubong Igorot na nakabase sa Hongkong.
Bantang demolisyon sa NBP Compound, nilabanan. Nagpiket sa harapan ng Department of Justice noong Abril 29 ang mga residente ng New Bilibid Prison Compound sa Muntinlupa. Hiningi nila kay Sec. Menardo Guevarra na pigilan ang demolisyon sa kanilang mga tahanan, na iniutos ni Director General Nicanor Faeldon ng Bureau of Corrections.
Pinangunahan ng Kalipunan ng mga Mamamayan na Pinagkaisa sa New Bilibid Prison, Inc. ang pagkilos. Maapektuhan ng demolisyon ang nasa 30,000 residente. Ang karamihan sa kanila ay naninirahan sa lugar 30-40 taon na.
Sa Panay, nagpiket ang mga kasapi ng Bayan sa harapan ng Iloilo City Hall noong Abril 26 para itulak ang lokal na gubyerno na aksyunan ang kakulangan ng tubig sa kanilang lugar.
Ika-12 taon ng pagkawala ni Jonas Burgos, ginunita. Nagtipon sa harapan ng upisina ng Commission on Human Rights sa Commonwealth Avenue, Quezon City ang mga kapamilya ni Jonas Burgos at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao noong Abril 26. Ito ay paggunita sa ika-12 taon mula nang dinukot si Burgos ng mga tauhan ng rehimeng US-Arroyo. Kinundena nila ang nagpapatuloy na kawalang-pananagutan sa bansa at ang teroristang mga atake ng rehimeng Duterte sa mamamayan.
Samantala noong Abril 27, kasabay ng pagdinig ng kaso nila Vicente Ladlad at mag-asawang Alberto at Virginia Villamor sa Quezon City Hall of Justice, nagpiket ang kanilang mga kapamilya at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao para ipanawagan ang kagyat na pagpapalaya sa tatlo.
Nagprotesta rin ang mga kasapi ng National Federation of Sugar Workers, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao noong Abril 30 sa Northern Negros.