Paligsahan sa pagpaparami ng armas nukleyar, muling iinit
Tiyak na muling iinit ang paligsahan ng US at Russia sa produksyon at paggamit ng armas nukleyar matapos ianunsyo ni Donald Trump, presidente ng US, ang posibleng pag-atras ng bansa sa Intermediate-Range Nuclear Force Treaty (INF) noong Pebrero 2.
Kapag itinuloy ni Trump ang pag-atras, kusang mawawalan ng bisa sa US ang naturang tratado sa darating na Hulyo. Ipinagbabawal sa INF ang paggamit ng mga misayl na nukleyar at kumbensyunal na may kakayahang lumipad ng distansyang 500 hanggang 5,500 kilometro. Una itong pinirmahan noong 1987 ng noo’y pinuno ng Soviet Union na si Mikhail Gorbachev at presidente ng US na si Ronald Reagan.
Una nang inatrasan ng US ang tratadong nagbabawal sa paggamit ng mga misayl na ballistic noong 2002. Sa ngayon, isang tratado na lamang, ang New Start na naglilimita sa paggamit ng misayl na may malayuang lipad, ang kinikilala ng dalawang bansa. Nakatakda na rin itong repasuhin at ibasura ni Trump sa 2021.
Ngayon pa lamang, abala na ang US sa produksyon ng mga bagong armas nukleyar para idagdag sa dati na nitong malawak na arsenal. Kabilang dito ang mga armas nukleyar sa mga submarino nito. Nakatakdang tumabo ng bilyun-bilyong kita ang pinakamalalaking kumpanyang gumagawa ng armas tulad ng Boeing, Honeywell International, Lockheed Martin at Northrop Grumman sa paligsahang nukleyar. Sa kasalukuyan, hawak ng Russia (dating Soviet Union) at US ang 90% ng armas nukleyar ng buong mundo.
Sa kaugnay na balita, nakatakda na ring atrasan ng US ang Arm Trade Treaty, isang tratadong nagbabawal sa pagbebenta ng armas sa mga bansang may embargo at yaong gumagamit sa mga ito para sa henosidyo, mga krimen laban sa sangkatauhan o terorismo. Ang naturang tratado ay pinirmahan ng 101 bansa noong 2013, kabilang ang US, Germany, France at UK. Sa pag-atras sa tratado, maaari nang walang limitasyong magbenta ang US sa mga pasistang bansa tulad ng Saudi Arabia, na bantog sa pambobomba at pamamaslang ng mga sibilyan sa Yemen, at sa Pilipinas, kahit hayagan nitong binabatikos ang “gera sa droga” ng rehimeng Duterte.