PEZA at TESDA, kinakasangkapan ng AFP
Pinapasok na rin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga engklabo ng paggawa o mga export processing zone bilang bahagi ng estratehiyang whole-of-nation approach ng National Task Force to End Communist Insurgency (NTF). Noong Marso 5, pinirmahan ng mga upisyal ng AFP, Department of National Defense at Philippine Economic Zone Authority (PEZA) ang isang kasunduan para sa paglulunsad ng mga pagsasanay militar sa mga manggagawa sa mga engklabo.
Sa tabing ng pagpapalakas sa reserbang pwersa ng reaksyunaryong estado, gagamitin ng militar ang kaayusang ito para makapaglunsad ng mga operasyong sikolohikal (psyops) sa loob ng mga pagawaan at siraan ang rebolusyunaryong kilusan sa hanay ng mga manggagawa. Gagamitin din nito ang naturang kasunduan para sa malawakang paniniktik sa mga manggagawa at pagsupil ng kanilang mga demokratikong pakikibaka.
Kinakasapakat din ng AFP at Philippine National Police ang National Commission on Indigenous Peoples at lokal na mga tanggapan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa paglulunsad ng psyops sa mga komunidad ng magsasaka at katutubo sa kanayunan sa tabing ng paglulunsad ng bokasyunal na mga pagsasanay at pangkabuhayang mga proyekto. Noong Marso, nagtapos ang isang grupo ng mga sundalo ng kursong konstruksyon sa TESDA. Ipapadala ang naturang mga sundalo sa liblib na mga lugar, tulad ng Talaingod, para kunwa’y magturo ng kasanayan sa pagkakarpintero sa mga Lumad. Ang mga Lumad at magsasaka ang karaniwang inuutusan ng mga yunit-militar ng AFP na magtayo ng kanilang mga detatsment sa loob o malapit sa mga baryo.
Samantala, inilunsad ng AFP ang Kagitingan Run 2019 noong Abril 7 sa loob ng kampus ng University of the Philippines sa Diliman, Quezon City. Ipinagbabawal ang presensya ng mga sundalo sa loob ng kampus, alinsunod sa Sotto-Enrile Accord, isang kasunduang ipinagtagumpay ng mga estudyante noong panahon ng diktadurang Marcos.