Sidhi ng kahirapan, pinagtatakpan
Ilang linggo bago sumapit ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa, ipinagyabang ng rehimeng US-Duterte ang estadistika nito sa kahirapan para sa unang semestre ng 2018 na nagpapakitang 21% lamang umano ng populasyon sa bansa (o 23.1 milyong Pilipino) ang mahihirap.
Palatandaan umano ito ng umuunlad na kabuhayan ng mamamayan at kalagayan ng empleyo sa bansa. Ang totoo, ang konserbatibong tayang ito ay resulta ng pagmamanipula sa estadistika upang magmistulang mas maliit ang bilang ng mahihirap. Isinasangkalan ito ngayon para ipagkait sa mga manggagawa ang matagal na nilang panawagan para sa sapat at disenteng trabaho at nakabubuhay na sahod.
Mula’t sapul ay nagtatakda at gumagamit ang reaksyunaryong estado ng napakababang pamantayan sa pagtaya ng kahirapan. Resulta nito, puu-puong milyong mamamayan ang maling itinuturing na hindi na naghihirap.
Sa pinakahuli nitong ulat, ang kinilala lamang na mahirap ay yaong mga indibidwal na nagsusumikap na mabuhay sa P69.87 kada araw, o sa P349.37 (o P10,481 kada buwan) para sa isang pamilyang may limang myembro. Kapos ang halagang ito nang 65% sa tinatayang P1,004 kada araw na halagang kailangan ng pamilya para disenteng mabuhay.
Sa napakababang pamantayang ito, P244.57 lamang ang nakalaan para sa pangangailangan sa pagkain ng isang pamilya kada araw o P48.91 para sa isang indibidwal. Sa aktwal, ang mabibili lamang sa halagang ito ay walang sustansyang mga pagkain tulad ng tuyo at instant noodles. Sa isang pag-aaral ng Center for Women’s Resources batay sa pangangailangang sustansya na itinakda mismo ng gubyerno, umaabot sa P596.50 ang kinakailangang badyet ng isang pamilya para sa sapat at masustansyang pagkain.
Ang napakababang pamantayan ay palatandaan na walang komprehensibong plano ang rehimen na wakasan ang sumisidhing kahirapan sa bansa. Ginagamit ni Duterte ang dinoktor na mga estadistikang ito para ikubli ang sumisidhing krisis sa ekonomya.
Sa kasalukuyan, umaabot sa 4.5 milyon ang walang trabaho habang 6.8 milyon naman ang tinaguriang “underemployed” o kulang ang trabaho. Samantala, umaabot naman sa 27.8 milyon ang may bulnerableng trabaho o yaong mga kontraktwal at nasa impormal na sektor ng paggawa. Hindi naman bababa sa pito sa bawat sampung Pilipino ang nagsusumikap na mabuhay sa P125 kada araw.
Sa harap ng higit pang pagdausdos ng kabuhayan ng mamamayan bunsod ng pagtataguyod sa mga neoliberal at kontra-mamamayang mga patakaran gaya ng batas na TRAIN, kontraktwalisasyon at pagpapako sa sahod sa napakababang antas, nananaginip nang gising si Duterte na malilinlang at mapaniniwala pa niya ang taumbayan sa “pag-unlad” na pilit na ibinabandera ng kanyang mga upisyal sa ekonomya.
Protestang Mayo Uno
Pinangunahan ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang malawakang protesta ng mga manggagawa bilang paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa noong Mayo 1. Inilunsad ang mga pagtitipon sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ipinanawagan nila ang umento sa sahod, pagwakas sa kontraktwalisasyon at hinamon ang mga kandidato ngayong eleksyong midterm.
Mahigit sampung libong manggagawa ang nagmartsa sa Maynila para manawagan na itaas ang pambansang minimum na sahod tungong P750. Siningil ng mga manggagawa ang rehimeng Duterte sa pagpapatuloy ng kontraktwalisasyon at lalong pagsahol ng kanilang kundisyon.
Binigyang-diin sa protesta ang pagpapabasura sa pahirap na batas TRAIN at pagbatikos sa pagsirit ng presyo ng mga bilihin. Bilang pagtatapos, sinunog ng mga nagprotesta ang effigy ni Duterte sa Mendiola, Maynila.
Tumulak ang grupo sa Liwasang Bonifacio para makipagkaisa sa Labor Win, isang koalisyon ng mga unyon, pederasyon at organisasyon ng mga manggagawa ngayong eleksyon.
Sa Timog Katagalugan, pinangunahan ng Pagkakaisa ng mga Manggagawa sa Timog Katagalugan ang protesta ng ilanlibong manggagawa. Pinakamarami ang nagtipon sa Calamba, Laguna na sentro ng mga engklabo sa rehiyon. Nagmartsa rin ang mga manggagawa sa Quezon, Rizal, Cavite at Batangas.
Sa Bicol, libu-libong mga manggagawa at kanilang mga tagasuporta ang nakiisa sa mga protesta na pinangunahan ng KMU-Bicol at Bayan-Bicol. Inilunsad ang mga ito sa mga lunsod ng Naga, Masbate at Sorsogon at sa Albay, Camarines Norte at Catanduanes. Ipinanawagan nilang buwagin ang Regional Tripartite Wage and Productivity Board na ginagamit para baratin ang mga manggagawa sa mga rehiyon.
Nasa 2,000 manggagawa sa ilalim ng KMU at Nagkaisa ang nagmartsa sa Davao City. Sa Koronadal City, may 500 manggagawa naman ang nagtipon. Bago nito, nagprotesta sila sa harap ng upisina ng Department of Labor and Employment XII sa General Santos City noong Abril 29.
Nagprotesta rin ang mga manggagawa sa mga lunsod ng Iloilo, Bacolod at Cebu.