Iba pang mga protesta
HINDI KRIMINAL ANG MGA BATA. Kasabay ng sesyon ng Senado noong Mayo 20, nagpiket ang mga tagapagtanggol ng karapatang-tao at mga organisasyong nangangalaga sa karapatan ng mga bata sa harapan ng Senado sa Pasay City. Kinundena nila ang nais ipasang batas na magbababa sa edad ng bata na pwedeng ikulong. Pinangunahan ito ng Salinlahi Alliance for Children’s Concerns.MGA DAGDAG NA BAYARIN SA KOLEHIYO, TINUTULAN. Pinaiimbestigahan ng Kabataan Partylist (KPL) ang pag-apruba ng Commission on Higher Education ng pangungulekta ng 141 iba pang mga bayarin sa mga State Universities and Colleges (SUCs). Kabalintunaan ito sa kunwa’y libreng edukasyon sa mga pampublikong kolehiyo. Nagsumite ang KPL ng resolusyon para pag-aralan ang hakbang nito sa Kongreso noong Mayo 12.
Ayon sa KPL, naghahanap lamang ang CHED ng paraan para makakolekta pa rin ang mga SUC. Ito ay habang patuloy ang pagtaas ng matrikula sa mga pribadong kolehiyo.
LIDER-IGOROT, KINILALA SA KOREA. Ginawaran ang lider-Igorot na si Joanna Kintanar Cariño ng Gwangju Price for Human Rights sa South Korea noong Mayo 18 bilang pagkilala sa kanyang pagtatanggol sa mga karapatang-tao. Ito ay sa harap ng pagbabansag sa kanya ng rehimeng Duterte bilang isang “terorista” noong nakaraang taon.
Ipinagkaloob ng May 18 Memorial Foundation ang gawad kay Cariño dahil sa mahabang panahon niyang pakikibaka oara sa karapatang-tao. Si Cariño ay lumaban sa diktadurang US-Marcos sa kabila ng pagkakakulong at tortyur. Isa rin siya sa mga nagtatag sa Cordillera People’s Alliance.