8 armas, nasamsam ng BHB-Negros
MATAGUMPAY NA NIREYD ng Bagong Hukbong Bayan-Southern Negros (Armando Sumayang Jr Command) ang isang detatsment ng Revolutionary Proletarian Army-Alex Bongcayao Brigade (RPA-ABB) sa Sityo Mambinay, Barangay Locotan, Kabankalan City sa Negros Occidental noong Mayo 8, bandang ala-una ng madaling araw. Dalawang elemento ng RPA ang napatay habang tatlo ang nasugatan. Nakasamsam dito ang BHB ng isang masinggan, isang Browning Automatic Rifle, isang M14, tatlong M16, dalawang pistola at mga bala.
Mula nang humiwalay ang RPA-ABB sa BHB noong 1993, nagsilbi na itong galamay sa mga kontra-rebolusyonaryong kampanya ng AFP. Sa parehong panahon, tumindig din itong pribadong armadong grupo ng malalaking kumprador-panginoong maylupa sa Negros tulad ng mga Arroyo, Alvarez, Zayco, Sola, Maranon, Benedicto-de la Cruz at ni Eduardo Cojuangco.
Nagsimula bilang armadong galamay ng Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas (RPMP) ang RPA noong 1994. Ang RPMP ay itinayo ng mga rebisyunistang taksil na sina Arturo Tabara na tumangging magwasto noong dekada 1990. Samantala, ang ABB naman ay isang yunit gerilya na nakabase noon sa Metro Manila at pinamunuan ni Nilo dela Cruz. Nagsanib ang RPA at ABB noong 1997.
Hindi pa nagtatagal matapos humiwalay sina Tabara at dela Cruz, naging matitigas na kontra-rebolusyonaryong elemento ang mga myembro ng RPA-ABB at pormal na sumurender sa rehimeng US-Estrada noong 2000. Mula noon, ginamit sila ng magkakasunod na rehimen para itulak ang huwad na lokal na usapang pangkapayapaan tungo sa kapitulasyon. Nagkukunwari silang mga rebolusyonaryo pero sa aktwal, sila ay mga mersenaryo, bandido at maton ng naghaharing uri ng malalaking kumprador at panginoong maylupa. Kabilang sa kanilang pinakahuling krimen ang pagmasaker sa siyam na magsasaka sa Sagay noong nakaraang taon.