Eleksyon para sa konsolidasyon ng kapangyarihan ng pangkating Duterte

,

Gamit ang dahas, panlilinlang at malawakang pandaraya, “naipanalo” ni Rodrigo Duterte ang 10 sa kanyang 12 kandidato sa pagkasenador sa nagdaang eleksyon. Sa gayon, 19 senador o 3/4 ng Senado ang saklaw ng kanyang pangkatin. Lilima na lamang ang maituturing na oposisyon. Isa sa kanila, si Sen. Leila de Lima, ay nakakulong hanggang sa kasalukuyan.
Wala ni isa sa mga kandidatong oposisyon ang nailuklok sa pwesto. Sa Senado, 13 boto lamang ang kinakailangan para maipasa ang anumang panukala. Kabilang sa mga nanalo sa Senado sina Imee Marcos, anak ng dating diktador na si Ferdinand Marcos; Ronald “Bato” dela Rosa, hepe ng pulis na nanguna sa madugong gera kontra-droga at Christopher “Bong” Go, ang espesyal na alalay ni Duterte na gumastos nang higit 30 beses sa kanyang kita, at lantarang gumamit ng pondo ng estado para sa kanyang kampanya.
Liban sa kanila, ang iba pang maka-Duterte na nailuklok sa pwesto ay sina Pia Cayetano, Sonny Angara, Lito Lapid, Francis Tolentino, Aquilino Pimentel III, Ramon Revilla Jr at Cynthia Villlar. Nanalo rin sina Nancy Binay at Grace Poe, mga hindi niya kapartido, pero hindi rin itinuturing na oposisyon. Wala ni isang kandidato mula sa kalabang partido ang nakapasok sa Senado.
Sa Mababang Kapulungan, 85 na kinatawan ang nailuklok ng partido ni Duterte na PDP-Laban. Kasunod ang 43 mula sa Nacionalista Party (NP), na pinamumunuan ni Manuel Villar; 36 mula sa Nationalist People’s Coalition (NPC) ni Eduardo Cojuangco; at 25 mula sa National Unity Party (NUP) ni Ronaldo Puno. Ang Liberal Party (LP), ang partido ng oposisyon, ay nakapwesto lamang ng 18 kinatawan. Ang iba pang kinatawan ay mula sa Lakas, Asenso at samutsaring rehiyunal na partido, kabilang ang Hugpong ng Pagbabago ni Sara Duterte. Kaalyado ng PDP-Laban ang NP, NUP, Lakas, Asenso at karamihan ng mga rehiyunal na partido. Kayang buuin ng mga partidong ito ang mayorya ng Mababang Kapulungan.
Sa antas lokal, 41 sa 81 gubernador ay mula sa partido ni Duterte. Karamihan sa mga lokal na kandidato ay sumuporta sa partido ni Duterte sa takot na mapabilang sa kanyang arbitraryong “narco list.” Sa maraming lugar, siguristang sinuportahan ni Duterte ang dalawa o tatlong kandidatong tumatakbo sa parehong pusisyon para tiyakin ang boto sa kanyang mga senador.

Pagbahura sa sistemang party list
Pinatakbo ni Duterte ang kanyang mga alipures gamit ang huwad na mga partidong elektoral para bahurain ang sistemang party list at ipagkait sa mga progresibong partido, partikular sa blokeng Makabayan, ang nararapat sa kanilang mga pwesto.
Anim na kinatawan lamang mula sa apat na progresibong partido ang uupo sa Kongreso matapos ang mga paninira at atake sa kanila ng militar, pulis at ni Duterte mismo. Pumangalawa sa may pinakamaraming boto sa eleksyong party list ang Bayan Muna na makakakuha ng tatlong pwesto. Isa sa mga kinatawan nito ay ang lider Lumad na si Euphemia Cullamat ng Kasalo-Caraga. Samantala, tig-iisang pwesto ang nakuha ng Gabriela, ACT Teachers Party at Kabataan Partylist.
Dahil sa pagmamanipula at pananakot ng rehimen, hindi naabot ng Anakpawis ang rekisitong mga boto.
Limampu’t isang partido ang nakapagluklok ng may kabuuang 61 kinatawan sa ilalim ng sistemang party list sa Kongreso. Dalawampu’t siyam sa mga partidong ito ay may mga kinatawan na kaalyado ni Duterte, mga dating pulitiko o malalaking negosyante.
Kabilang sa mga kilalang partido ng rehimen ang ACT-CIS, Marino at Duterte Youth. Ang ACT-CIS, na nakakuha ng pinakamaraming boto, ay likha ng pamilyang Tulfo na masusugid na alagad ni Duterte at mahigpit na tagasuporta ng kanyang madugong gera kontra-droga. Suportado rin nila ang pag-amyenda sa mapanganib na Human Security Act.

Eleksyon para sa konsolidasyon ng kapangyarihan ng pangkating Duterte