Gera sa kalakalang US-China, muling sumiklab
PANSAMANTALANG NATIGIL ang negosasyong pangkalakalan sa pagitan ng US at China noong Mayo 10 matapos ianunsyo ni Donald Trump, presidente ng US, ang pagpataw ng 10-25% taripa sa mga kalakal mula sa China na nagkakahalaga ng $200 bilyon.
Inakusahan ni Trump ang China ng hindi paggalang sa dating mga napagkasunduan kaugnay ng intellectual property rights, pagluluwag sa mga patakaran sa kumpetisyon at manipulasyon at kontrol sa halaga ng yuan, ang pera ng China.
Sinundan ito ng pagbabawal ni Trump sa mga kumpanyang Amerikano na magbenta ng mga pyesa sa Huawei noong Mayo 18. Ang Huawei ay isang kumpanyang gumagawa ng mga selpon at iba pang gamit pangtelekomunikasyon. Dati nang inakusahan ni Trump ang Huawei ng pang-eespiya at idineklarang “banta sa pambansang seguridad” ng US.
Gumanti ang China sa pamamagitan ng pagpataw ng 25% taripa sa mga kalakal ng US na nagkakahalaga ng $60 bilyon. Nagbanta rin itong itigil ang pagbili ng natural gas at langis sa US.
Nakipaggirian ang US sa China mula pa noong nakaraang taon para pilitin itong ibukas ang bansa sa dagdag na kalakal mula sa US. Dalawang beses itong nagpataw ng mga taripa sa mga produktong Chinese noong 2018. Sinimulan ang negosasyon sa pagitan ng dalawang bansa noong Enero. Sa kabila ng panibagong serye ng pagpataw ng mga taripa at sanksyon, nagpapatuloy ang negosasyon.
Umaabot sa $540 bilyon ang halaga ng mga kalakal na inaangkat ng US mula sa China habang nasa $120 bilyon lamang ang iniluluwas nito sa bansa.