Mas malalaking pagsasanay-militar, planong idaos ng US sa 2020
PLANONG IDAOS NG US ang mas malalaking pagsasanay-militar sa bansa sa 2020. Partikular sa pagsasanay na Salaknib, higit doble ang nakatakdang lalahok na mga Amerikanong sundalo mula 900 ngayong taon tungong 1,700 sa susunod na taon. Ang Salaknib ay paghahanda sa taunan at mas malaking pagsasanay na Balikatan.
Mula Enero hanggang Marso nitong taon, lalong dumami ang mga aktibidad ng US sa bansa. Alinsunod sa ulat ng Inspector General (IG) ng US kaugnay sa Operation Pacific Eagle-Philippines (OPE-P), nagdaos ng iba pang aktibidad militar ang US kasabay sa malalaking pagsasanay-militar at mga pagdaong ng barkong pandigma sa unang kwarto ng taon. Kabilang sa mga aktibidad na ito ang pagpapalipad ng mga eroplanong pandigma sa soberanong teritoryo ng Pilipinas, deployment ng isang Stryker Brigade para tumulong sa mga operasyong militar ng AFP, pagtatayo ng pasilidad para sa “urban warfare” sa Fort Magsaysay, deployment ng mga “tagapayo” sa special operations sa kampanya “kontra-terorismo,” at “battle tracking” o mahigpit at on-site na pagsubaybay sa mga operasyong kombat ng AFP.
Tulad noong nakaraang taon, lubos na nakasandig ang AFP sa ISR (intelligence, surveillance, reconnaisance) ng US. Ayon sa ulat ng IG, “walang kakayahan” ang AFP na maglikom at magproseso ng datos paniktik nang nagsasarili. Noong 2018, mahigit $50 milyon ang ginastos ng US sa pagpapalipad ng mga drone na pangsarbeylans, pagmantine ng base ng mga ito at pagsusuri sa nakukuhang mga datos.
Noong 2018, nagsagawa ng mahigit 250 aktibidad militar ang US sa bansa. Kapalit nito, binentahan ng US ang AFP ng pinaglumaang mga gamit-militar na nagkakahalaga ng mahigit $35 bilyon. Sa unang kwarto ng 2019, muli itong nagbenta ng gamit-militar na nagkakahalaga ng $5.8 milyon.