Pang-aagaw ng lupang Maranao para sa gamit-militar

,

Huwad na rehabilitasyon ng Marawi

Magdadalawang taon na matapos palayasin ng rehimeng US-Duterte ang mga Maranao sa Marawi City. Hanggang ngayon, wala pang pamilya ang nakababalik sa sentro ng syudad dahil okupado ito ng mga sundalong Pilipino at Amerikano. Habang nagtatagal, lalong nagiging imposible na makabalik pa ang mga residente dito.
Sa bisa ng isang dikretong presidensyal na inilabas noong 1953, kaagad na sinimulan ng AFP ang konstruksyon ng 10-ektaryang kampo militar sa puso mismo ng syudad. Kunwa’y magiging hedkwarters ito ng AFP, pero sa katunaya’y gagamitin itong pasilidad ng US para sa mga espesyal na operasyon nito sa bansa.
Malaon nang ginagamit ng US ang Marawi bilang base ng mga operasyon nito sa Mindanao. Noong 2010 lamang, nabunyag ang paggamit ng Special Operations Command (SOC) ng US sa Camp Ranao, hedkwarters ng 103rd Bde sa Marawi, matapos mabalita ang pagpaslang kay Gregan Cardeno sa loob nito. Nagtatrabaho noon sa loob ng kampo si Cardeno bilang tagasalin ng Liaison Coordination Elements (LCE). Ang mga LCE ay maliliit na grupo ng special forces ng US na pumapaloob sa mga taktikal kumand ng AFP para magbigay ng “payo” sa mga sundalong Pilipino.
Mula’t sapul, krusyal sa US ang Marawi at mga bayang nakapaligid sa Lanao Lake. Nang okupahin nito ang Mindanao sa simula ng siglong 1900, sadyang pinasok ng US ang mga bayan sa Lanao at ginapi ang mga datu dito. Dito unang sumiklab ang tinagurian ng mga akademiko na “Rebelyong Moro” (1899-1913)–ang armadong paglaban ng Moro para ipagtanggol ang kanilang lipunan at lupang ansestral laban sa okupasyong Amerikano. Sa tinaguriang Labanan sa Bayan (ngayo’y Bayang, Lanao del Sur), magiting na nilabanan ng mga Maranao ang pang-aatake ng US gamit ang kanilang katutubong armas. Naggapi ang mga Maranao sa harap ng brutal na mga taktika ng US gamit ang mas abanteng mga armas. Nang bumagsak ang Bayang, lumaban naman ang mga Moro sa sa bayan ng Bacolod at Taraca kung saan nagkamit ng maraming kaswalti ang mga tropang Amerikano. Sa kalaunan, inabot ng mga Amerikano ang Marawi (noo’y Dansalan) at idinugtong ito sa Iligan.
Unang nagtayo ng kampo militar ang US sa Bayang (Camp Vickers) noong 1902. Dito bumase si Captain John Pershing, ang tinaguriang “eksperto” sa kontra-insurhensya dahil matagumpay diumano ang kanyang kampanyang pasipikasyon sa mga Maranao. Ang totoo, nauna na ang brutal at madugo ang pananalakay ng US sa mga Maranao ng Lanao bago pa ang kunwa’y pakikipagkasundo ni Pershing sa mga datu rito.
Noong 1903, itinayo ng US ang Camp Keithley sa Marawi, bilang parangal kay Fernando Keithley, isang sundalong Amerikano na napatay ng mga Maranao sa isang ambus. Binubuo ang Camp Keithley (ngayo’y Camp Amai Pakpak na inaangkin ng AFP) ng 6,000 ektaryang lupa sa Marawi at kalapit na mga bayan ng Marantao, Piagapo at Saguiaran.

Pang-aagaw ng lupang Maranao para sa gamit-militar