“Brexit” at ang krisis na bumabagabag sa UK

,

Luhaang inanunsyo ni Theresa May noong Mayo 24 na bababa siya sa poder bilang punong ministro (PM) ng United Kingdom (UK) makaraang tatlong beses siyang mabigo na makabuo ng isang kasunduan kaugnay sa paglabas ng bansa sa European Union (EU) sa prosesong tinawag na “Brexit.” Noon pang Marso dapat umalis ang UK sa EU pero hindi ito natuloy dulot ng di pagkakasundo ng mga mambabatas ng UK sa inihapag ni May na kasunduan para sa maayos na paglabas sa UK.

Ano ang Brexit?

Pinaikli ng dalawang salita—Britain + exit (labas) = “Brexit” o ang katawagang lumabas ang UK o Britain bilang kasaping bansa sa blokeng pang-ekonomyang European Union (EU). Pinalutang ito noong 2013 ni PM David Cameron sa isang pambansang reperendum upang tuluyang malutas na ang usapin—makabubuti ba o hindi sa Britain ang pagiging kasapi ng EU. Sa tantya ni Cameron sa pamamagitan ng reperendum na ito kanyang marerendahan ang matinding anti-Europe na paninindigan ng kanyang kapartido sa Conservative Party nang sa gayon ay maging maayos ang kanyang pamumuno sa bansang nasasadlak sa pang-ekonomyang krisis.

Dalawa ang pinagpipilian ng mga Briton—“Remain or Leave” (manatili o umalis) sa EU.

Lubhang tiwala si Cameron na mananalo ang opsyong “Remain.” Ngunit taliwas sa kanyang inaasahan, nanalo ang opsyong “Leave” (umalis) nang idaos ang pambansang reperendum noong Hunyo 23, 2016. Nakikita ang panalong ito bilang reaksyon ng mamamayan dito sa matinding krisis sa kanilang kabuhayan. Reaksyon ito sa ilang dekada nang pagpapatupad ng mga patakaran sa pagtitipid na nagdulot ng matinding hirap sa bansa. Ginamit ng mga partidong “far-right” o maka-Kanan ang sentimyentong ito para ibunton ang sisi sa maluwag na patakaran ng UK sa migrasyon.

Ano ang kasunduan para sa Brexit?

Nakasaad sa inihapag ni May na kasunduan para sa Brexit ang mga probisyong magtatakda sa relasyon ng mga negosyo ng bansa sa iba pang bansa sa EU; mga karapatan ng mamamayan nito na naninirahan sa ibang bansa ng EU, gayundin ang mamamayan ng ibang bansa ng EU na naninirahan sa UK; at ang pakikitungo nito sa Northern Ireland na daluyan ng mga produkto at tao sa pagitan ng UK at EU. Nakasaad din sa naturang kasunduan ang pagbabayad ng UK sa utang nito sa EU na 39 bilyong pounds o $50 bilyon. Kasabay ng kasunduang ito ang isang pahayag na naglalaman ng pakikitungo ng UK sa ibang bansa sa EU sa hinaharap sa mga larangan ng kalakalan, depensa at seguridad.

Tatlong beses nang tinanggihan ng mga myembro ng parlamento ng UK ang kasunduang ito. Kabilang sa hindi napagkakasunduan ang kaayusan sa Northern Ireland na nagsisilbing hangganan sa pagitan ng EU at UK. Lumalakas ang panawagan para sa “no-deal” Brexit o paglabas sa EU nang walang nakapwestong kasunduan at pagtangging bayaran ang €39 bilyon na multa nito. Kapag nangyari ito, mawawala ang mga pribilehiyo ng UK sa pakikipagkalakalan sa mga bansa sa loob ng EU.

Sa ngayon, wala pa ring katiyakan ang Brexit at patuloy na nakakaranas ng ligalig ang mga negosyo at mamamayan dahil dito.

Paglala ng krisis

Kakaharapin ng bagong punong ministro ng UK, makabuo man o hindi ng kasunduan sa Brexit, ang lalong paglala sa krisis sa ekonomya’t pulitika ng bansa. Sa ngayon pa lamang, tinatantya na ng pamahalaan na sa loob ng 15 taon, lalago lamang ang ekonomya ng UK sa pagitan ng 4% hanggang 9%.

Bagamat sa Oktubre 31 pa ang pinal na petsa ng pag-alis ng UK sa EU, may iilang kumpanya na ang naglipat ng kanilang mga operasyon sa ibang bansa. Halimbawa nito ay ang Airbus, na nag-eempleyo ng 14,000 manggagawa at sumusuporta sa mahigit 100,000 iba pang trabaho. Nasa Singapore na ang Sony at nakaambang lumipat din ang kumpanyang P&Q.

Sa harap ng pag-atras ng ilang dayuhang mamumuhunan, iniulat ng Society of Motor Manufacturers and Traders na noong Abril ang industriya ng kotse ay nakagawa lamang ng 70,971 kumpara sa 127, 970 ng kaparehong buwan ng nakaraang taon. Halos 44.5% ito ng produksyon ng mga kotse kabilang ang Jaguar, Land Rover, BMW at Peugeot.

Pinangangambahan rin ng mga Briton ang kakulangan ng mga suplay ng pagkain at gamot sakaling walang maayos na kasunduan para sa Brexit.

“Brexit” at ang krisis na bumabagabag sa UK