Panawagang tanggalin si Trump sa pwesto, lumalakas
Lumalakas ang panawagang impeachment o pagpatalsik kay Donald Trump bilang presidente ng US. Ito ay matapos isapubliko noong Mayo 30 ng Office of the Legal Counsel (OLC) ang ulat ng imbestigasyon nito sa pakikialam ng Russia sa 2016 eleksyong presidensyal.
Idinetalye ng ulat ang malawakan at sistematikong pangangampanya sa social media ng Internet Research Agency, isang kumpanyang Russian, para kay Trump at ang mahigpit na ugnayan nito sa mga espesyalista at tagapagsalita ni Trump. Ibinunyag din ng ulat ang mga atake ng mga Russian hacker sa kalaban ni Trump na si Hillary Clinton at pagbabahagi ng maseselan at nakasisirang impormasyon na ginamit ng kampo ni Trump sa kampanya.
Bagamat hindi napatunayan ng ulat na may konspirasiya sa pagitan ni Trump at ng Russia, iniulat nito ang serye ng mga pagpupulong sa pagitan ng mga upisyal ng kampanya ni Trump at mga indibidwal ng gubyernong Russia sa panahon ng kampanya. Kabilang sa paulit-ulit na nakipagkita ang manugang ni Trump na si Jared Kushner. Si Kushner ay “espesyal na tagapayo” ngayon ng administrasyong Trump. Sa panahon ng 2-taong imbestigasyon ng OLC, paulit-ulit din na nagsinungaling at nangharang ang mga tauhan ni Trump.
Sa paglalabas ng ulat, nagpahayag ang pinuno ng OLC na si Robert Mueller na ang tanging dahilan kung bakit hindi kinakasuhan si Trump ay dahil ipinagbabawal sa konstitusyon ang paglilitis sa nakaupong presidente. Gayunpaman, marami ang naniniwalang maaaring gamitin bilang ebidensya sa isang impeachment ang naturang ulat.
Inilabas ng OLC ang ulat noon pang Marso nitong taon pero hinarang ito ng mga abugado ni Trump. Isinumite ito sa Kongreso ng US noong Abril at noong Mayo lamang isinapubliko ang redacted (o may nakatagong mga teksto) na bersyon nito. Sa araw na lumabas ang ulat, itinanggi ni Trump ang paratang na nakipagtulungan siya sa isang dayuhang gubyerno para manalo, at sinabing wala siyang kinalaman sa pangingialam ng Russia.