Piket sa harap ng CHEd, dinahas
Marahas na binuwag ng mga pulis ang inilunsad na protesta ng mga kabataan sa Commission on Higher Education (CHEd) noong Mayo 30. Kinukundena noong ng grupo ang pasya ng Korte Suprema sa CHEd Memo No. 20.
Tinuligsa ni Daryl Babaydo, pambansang tagapangulo ng College Editors’ Guild of the Philippines si CHEd Commissioner Prospero de Vera sa inilabas nitong pahayag na pumupuri sa desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng konstitusyunalidad ng CHEd Memo No. 20 na nagtatanggal sa Filipino at Panitikan bilang mga asignatura sa kolehiyo. Ayon kay Babaydo, ang pag-apruba sa naturang memo ay magpapalala lamang sa komersyalisado at maka-dayuhang oryentasyon ng edukasyon sa bansa.
Binatikos naman ni Rep. Sarah Elago ng Kabataaan Partylist ang dalawang mukha ng administrasyong Duterte at ng CHEd. Maliban sa memo sa Filipino ay niraratsada din ang pagsasabatas ng mandatory Reserved Officers Training Corps (ROTC) sa senior high school. “Nakakasulasok ang dalawang mukha ng rehimen: sabi nila itutulak daw ang mandatory ROTC para sa ‘nasyunalismo,’ pero aalisin naman nila ang pag-aaral ng ating wika,” dagdag pa ni Elago.
Samantala, nagtipon sa Mendiola ang iba’t ibang progresibong grupo ng kabataan at guro sa pagbubukas ng klase nitong Hunyo 3 upang kalampagin ang rehimeng US-Duterte sa lumalalang kalagayan ng edukasyon sa bansa .
“Kinukundena namin ang atake ni Duterte hindi lamang sa karapatan sa edukasyon, gayundin ang atake nito sa ating identidad, soberanya at karapatan. Papasanin ng mga kabataan at sambayanan ang muling pagtataas ng matrikula at iba pang bayarin sa eskwela, pagpapatuloy ng programang K to 12, at mga reporma tulad ng mandatory ROTC at ang CHEd Memorandum No. 20,” ayon kay Raoul Manuel, pambansang tagapagsalita ng National Union of Students of the Philippines.
“Talagang sinangkalan na ng rehimeng Duterte ang ating wika at pagkakakilanlan upang lalong ihiwalay ang kabataang Pilipino sa kanilang mayamang kasaysayan, tunay na identidad, at kritikal na pag-iisip,” sabi naman ni Kara Lenina Taggaoa ng League of Filipino Students.
Nananawagan ang Kabataan Partylist sa lahat ng kabataang Pilipino na manindigan laban sa mga atake sa edukasyon at mga demokratikong karapatan.
“Dapat nating ibigay ang lahat upang ipagtanggol ang bansa sa pagsalakay at atake na pinangungunahan ng kasalukuyang rehimen. Kailangan nating ipagtanggol ang ating pambansang wika, at identidad mula sa pagkabura, ang ating soberanya mula sa pananakop at pangingibabaw sa pamilihan ng mga dayuhan, at ating edukasyon mula sa higit na komersyalisasyon. Patuloy tayong magmamatyag upang tiyakin ang ating karapatan at kinabukasan!” pagtatapos ni Elago.