TRAIN: Regresibong pagbubuwis

,

Hindi maitatwa maging ng mga ahensya ng gubyerno ang negatibong epekto ng TRAIN law sa lokal na ekonomya. Ayon sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies noong Disyembre 2018, negatibo ang epekto ng bagong mga buwis sa sektor ng manupaktura at sa kalagayan ng pinakamahihirap na pamilyang Pilipino.

Idiniin ng isang pag-aaral ang pagkitid ng sektor ng pagmamanupaktura at lalong pagliit ng bilang ng mga trabahong nalilikha bilang matagalang epekto ng mga bagong buwis na ipinataw sa karbon at mga produktong petrolyo na ginagamit na panggatong sa produksyon at sa transportasyon ng mga produkto. Pinakaapektado ang maliliit at katamtamang-laking negosyo dahil sa kawalang-kakayahan ng mga ito na umupa ng malalaking trak para sa transportasyon ng kanilang mga produkto. Sa isa pang pag-aaral, idiniin naman ng ahensya na malaki ang nababawas ng dagdag na buwis sa pagkain at mga inuming may asukal sa kita ng pinakamahihirap na pamilya.

Kinumpirma ng dalawang pag-aaral ang dati nang kongklusyon ng Ibon Foundation na regressive taxation ang ipinatutupad sa ilalim ng batas na TRAIN. Ibig sabihin, malaki ang kinakaltas nito sa mga pamilyang may mababang kita kumpara sa nakatataas o katamtaman ang kita. Sa kabila ito ng kunwa’y eksempsyon sa mga kumikita ng P250,000 kada taon. Marami na ang bumatikos sa panlolokong ito lalupa’t kasabay ng eksempsyon sa personal na kita, dinagdagan naman ang buwis sa pagkain at transportasyon.

Sa taya ng Ibon, nadagdagan pa ang kita ng mga indibidwal na may matataas na kita nang 40% habang lumaki ang nababawas sa kita ng masang anakpawis sa isang taong implementasyon ng TRAIN. Ang mga may kitang mahigit sa P25,000 kada buwan ay nadagdagan nang P1,000-P33,000 kada taon. Ito ay habang nakakaltasan nang P800 hanggang P4,000 ang kita ng 60% ng mga pamilyang kumikita ng sapat o mas mababa pa sa kanilang mga pangangailangan.

TRAIN: Regresibong pagbubuwis