2nd IB: Berdugo ng Masbate at Albay
Aabot sa 1,000 residente mula sa walong barangay sa Cawayan, Masbate ang nagprotesta sa harap ng munisipyo noong Hunyo 3-8. Kinundena nila ang matinding militarisasyon at iginiit na palayasin ang mga sundalo ng 2nd IB na umokupa sa kanilang mga komunidad mula pa Mayo 20.
Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Masbate (KMM), dumarami ang bilang ng paglabag ng 2nd IB sa karapatang-tao at pagwasak sa kabuhayan ng mga magsasaka.
Noong Mayo 22, sapilitang pinasok ng mga elemento ng 2nd IB ang kabahayan at binugbog ang mga myembro ng KMM. Ninakaw din ang P12,400 ipon ni Rosemarie Erero, myembro ng KMM, at sapilitang inaresto ang kanyang kapatid na si Nilo Erero Jr.. Dinukot at pwersahang pinagtrabaho din ang mga magsasakang sina Danilo Landao, Arnel Punay, Jovanie Impas, Bobby Baybayon, Ondo Rondina, Tong-tong Pianar, Titing Delos Reyes, Ondoy Pianar at Boy-boy Sare.
Bukod dito, 11 magsasaka ang pilit na pinaggiya sa operasyon. Pinagbantaan ding papatayin ang dating barangay kagawad na si Danilo Cunel at pinagbawalan ang mga residente ng Barangay Dalipe na maglabas-masok sa kanilang barangay.
Ang mga kasong ito ay dagdag sa mahabang listahan ng mga krimen ng 2nd IB sa mamamayan ng Bicol. Mula sa mga karumal-dumal na pagpatay hanggang sa panunulisan, naghasik ng teror ang berdugong batalyon na ito sa Masbate at Albay nitong nagdaang mahigit sampung taon. Pinamumunuan ito ngayon ni Lt. Col. John Oliver F. Gabun at nakabase sa Barangay Bacolod, Milagros, Masbate.
Mamamatay-tao
Mula 2010, di bababa sa 41 ang naitalang sibilyang biktima ng pamamaslang ng 2nd IB, at anim ang biktima ng bigong pagpatay. Halos lahat sa mga biktima ay binansagang mga myembro o tagasuporta ng rebolusyonaryong kilusan. Dalawampu sa mga pamamaslang ang naganap sa Masbate sa loob ng nagdaang huling tatlong taon.
Tampok sa mga krimen ng 2nd IB sa Masbate ang pagpatay sa dalawang bata at kanilang lola noong Abril 2017. Walang habas na pinaputukan ng mga sundalo, sa pamumuno ni Lt. Karlito John Cabillo, ang bahay ng mga biktima sa Barangay Panan-awan, Cawayan, Masbate. Namatay si Lita Villamor Pepito, 70, at ang magkapatid na Reden at Rechillen Luna, 9 at 11 taong gulang. Sugatan naman ang asawa ni Pepito na si Paoling.
Noong 2018, mula Agosto 26-Setyembre 7, pitong sibilyan ang pinatay ng mga berdugo. Lima sa mga biktima ay mga residente ng magkakatabing barangay sa mga bayan ng San Jacinto, San Fernando at Monreal. Ilang kabahayan din ang sinunog ng mga sundalo.
Karumal-dumal na mga pagpatay din ang isinagawa ng 2nd IB sa Albay nang nakadestino pa ito sa prubinsya mula 2006-2016. Dalawa sa mga biktima nito ang pinugutan ng ulo, isa ang sinunog at isa pa ay nilaslasan ng leeg. Dalawang masaker ang isinagawa nito sa prubinsya.
Mananalakay ng kabataan
Hindi ligtas ang mga bata at kabataan sa samutsaring krimen ng berdugong batalyon. Maliban sa magkapatid na Luna, dalawa ring kabataan ang biktima ng pamamaril ng 2nd IB sa Pioduran, Albay noong Abril 2012. Isa ang namatay at isa pa ang sugatan nang paputukan sila ng mga sundalo. Dadalo lamang sa sayawan ang magkaibigan.
Nang minasaker ng 2nd IB ang pamilyang Lotino sa Daraga, Albay noong Oktubre 2010, isa sa mga biktima ay menor de edad, habang matinding takot naman ang iniwan ng mga berdugo sa tatlong batang nakaligtas sa pamamaslang.
Sa mga barangay na inookupa ng 2nd IB, ginagamit nila ang mga bata bilang mga pananggalang. Sa Guinobatan, Albay, naiulat ang mga kaso kung saan mga menor-de-edad ang ginagawang giya ng mga sundalo sa kanilang operasyon.
Tulisan
Sa Barangay San Jose sa Uson, Masbate, matapos pagnakawan ang mga residente noong Setyembre 2017, muling nangulimbat ang mga sundalo noong Agosto 2018 ng mga alagang hayop, kagamitan at pera ng ilang residente.
Sa Barangay Talisay sa San Fernando, Masbate, tatlong ulit namang pinagnakawan ng mga sundalo ang taumbaryo noong Mayo 2018. Pinamunuan mismo ni Lt. Col. Gabun ang krimen. Sapilitan niyang pinadalo ang mga residente sa isang pagpupulong, habang nililimas ng kanyang mga tauhan ang mga ari-arian ng taumbaryo. Kabilang sa iniulat ng mga residente na kinuha ng 2nd IB ang walong bangkang pangisda at mga lambat, bigas, puu-puong alagang hayop, limang generator at mga gamit sa pagsasaka. Isang araw bago nito, apat na motorsiklo din ang tinangay ng mga sundalo. Hindi bababa sa 35 ang biktima sa 12 kaso ng pagnanakaw ng 2nd IB.
Talamak ang panunulisan ng 2nd IB kahit noong nakadestino pa ito sa Albay. Bantog ang mga detatsment nito bilang mga pasimuno ng holdapan. Isinasama ng mga sundalo sa kanilang panunulisan ang mga rekrut sa Barangay Intelligence Network, at pangunahing tinatarget ang mga panggitnang pwersa na pinagbibintangang sumusuporta sa rebolusyonaryong kilusan. May naitala ring isang kaso ng panggagahasa ang mga holdaper ng 2nd IB.
Ligalig sa mga komunidad
Sa mga barangay na inookupa ng 2nd IB, sapilitang pinapagtrabaho ang mga residente upang magtayo ng mga kubo ng militar, pinaggu-gwardya at pinapag-ronda. Laganap din ang pananakot at pagbabanta sa mga pinagsususpetsahang myembro o tagasuporta ng rebolusyonaryong kilusan.
Mula 2010-2015, inokupa at niligalig ng mga operasyong “peace and development” ng 2nd IB ang mga barangay sa ikalawa at ikatlong distrito ng Albay. Sa Masbate, matindi ang mga krimen nito sa mamamayan sa una at ikalawang distrito.
Dagdag pa sa mga naiulat na kaso nito ang iligal na detensyon at pag-aresto sa 39 sibilyan, limang biktima ng tortyur at pananakit, at panggigipit sa walong sibilyan.
Unang nadestino ang 2nd IB sa Bicol noong 1986, at nagpalipat- lipat sa mga prubinsya ng rehiyon. Makaraang sumailalim sa “muling-pagsasanay” noong 2006, tumindi ang mga kabuktutan ng batalyon nang ilipat ito mula Sorsogon patungong Albay. Dito ipinatupad ng 2nd IB ang brutal na mga kampanyang Oplan Bantay Laya 1 at 2 hanggang Oplan Bayanihan. Inilipat naman sa Masbate ang mga berdugo noong 2016 at doon ipinagpapatuloy ang kanilang mga krimen.