4 na armas, nakumpiska ng BHB-Samar
Apat na armas ang nakumpiska ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Northern Samar matapos ang matagumpay na reyd sa detatsment ng Alpha Company, 63rd IB sa Sityo Little Lanubi, Barangay Lanubi (EJ Dulay), Lao-ang, Northern Samar noong Mayo 21, alas-4 ng umaga. Pinasabugan ng BHB at pinaputukan ang detatsment. Nakumpiska sa reyd ang tatlong ripleng R4, isang pistola, mga magasin, bala at iba pang gamit-militar. Tatlong sundalo, kabilang ang dalawang upisyal, ang napatay sa loob ng 30-minutong labanan. Samantala, binigyan-pugay ng BHB si Ka Yulo na namartir sa opensiba.
Ang 63rd IB ay isa sa mga batalyong ginamit sa pananalakay sa Marawi. Nang ibinalik sa Northern Samar, nagsilbi itong pwersang panseguridad ng pribadong kontraktor na naglalatag ng proyektong kalsada sa lugar.
Matapos ang opensiba, kinanyon ng militar ang barangay at pinagbantaan ang mga residente.
Quezon. Inambus noong Hunyo 13 ng isang yunit ng BHB-Quezon ang hindi bababa sa 30 elemento ng 85th IB na nagpapatrulya sa Sityo Tanauan sa Barangay Villa Nacaob, Lopez, Quezon. Dalawang sundalo ang agad na napatay matapos bugsuan sila ng putok ng nakatambang na mga Pulang mandirigma.
Bahagi ang nagpapatrulyang yunit sa operasyong pagtugis ng 85th IB sa isang yunit ng BHB na sumalakay sa kanilang tropa noong Hunyo 11 sa Sityo Bunga sa parehong barangay. Hunyo 7 pa nagsimula ang operasyong kombat ng naturang batalyon sa lugar. Mahigit 200 tropa ng pinagsanib na AFP-PNP-CAFGU ang humalihaw sa tatlong bayan sa Quezon (Lopez, Macalelon, Catanauan) at sumaklaw sa 16 na barangay.