Buong-tapang na makibaka para wakasan ang tiraniya ni Duterte!
Buong-tapang na makibaka upang wakasan ang salot na paghaharing tiraniko ni Duterte sa lalong madaling panahon. Bawat saglit na nagpapakasasa siya sa kapangyarihan, lalong bumibigat ang pasanin at pasakit ng bayan.
Sa ilalim ng kanyang magtatatlong taon nang paghahari, lalong dumausdos ang kabuhayan ng mamamayan at sumadsad ang ekonomya. Lumalala ang disempleyo, bumigat ang pasaning buwis at pumaimbulog ang presyo, habang nananatiling nakapako ang sahod at mababa ang kita ng mamamayan. Lumalala ang problema sa droga, at ang gubyerno niya mismo ang numero uno ngayong sindikato.
Sa kabilang panig, tuluy-tuloy ang paglaki ng yaman ni Duterte at mga kasapakat na burukratang kapitalista at oligarko mula sa mga kontrata ng gubyerno at pagdambong sa kabang-bayan. Sunud-sunuran siya sa mga dikta ng mga dayuhang kapangyarihan at isinusuko ang pambansang soberanya at patrimonya.
Namamayagpag ang kapangyarihan ni Duterte sa buong bansa. Gamit niya ang buong armadong lakas at rekurso ng estado para sa pandarahas at panlilinlang. Pinatatahimik ang kanyang mga kritiko, mga aktibista, abugado at midya. Sinusupil ang paglaban ng mamamayan. Walang-habas ang mga pagpatay, pagsalakay sa buo-buong komunidad, pag-aaresto at pagbibilanggo.
Hawak ni Duterte ang buong burukrasya, armadong pwersa at lahat ng sangay ng gubyerno. Para habampanahong makaiwas sa pananagutan sa kanyang mga krimen, ambisyon niyang palawigin lagpas sa 2022 ang kapangyarihan at pribilehiyong tinatamasa niya at ng kanyang pamilya at kasabwat.
Subalit anupaman ang lakas at kapangyarihan ni Duterte, hindi kailanman mapupuksa ang hangarin ng bayan na lumaya sa tiraniya at pasismo. Hindi sila tuluyang mabubusalan sa kanilang sigaw para sa katarungan at demokrasya.
Karapatan ng sambayanang Pilipino na labanan at ibagsak ang isang gubyernong yumuyurak sa kanilang komun na interes at walang habas na lumulupig sa kanila. Tulad ng ginawang pagbabagsak sa rehimeng Marcos (1986) at Estrada (2001), walang ibang marapat na gawin kundi ang patalsikin ang malupit, magnanakaw, pahirap at traydor na rehimeng Duterte.
Sa sambayanang Pilipino: tibayan ang loob upang harapin ang mahirap na pakikibaka laban sa pasistang rehimen at ituwid ang takbo ng kasaysayan ng bansa. Kung magbubuklod at isang hanay na magmamartsa ang mamamayan, sila’y magiging isang di magagaping pwersang pampulitika at pwersa ng pagbabago.
Buuin ang organisadong lakas ng bayan. Imulat ang mata sa tunay na kalagayan ng bansa. Hablutin ang piring ng mga kasinungalingan at pambabaluktot ni Duterte. Magpursigeng tuklasin, unawain at isiwalat ang tunay na kalagayan ng bansa, ang kawalang demokrasya at kawalang kalayaan, ang paghahari ng iilang oligarko, mga burukratang kapitalista at pasista, at ang pang-aapi at pagsasamantala nila sa masang anakpawis.
Bigyang-pansin ang mga usaping pambayan at panggubyerno. Itakwil ang kawalang pakialam. Iugnay at sapulin ang ugat ng araw-araw na mga problema at hinaing. Maging mag-aaral ng kasaysayan, pulitika at ekonomya.
Mahigpit na magkaisa. Iwaksi ang pagkakanya-kanya. Ang kabutihan ng isa ay naka-ugnay sa kabutihan ng lahat. Ibuhos ang lahat para buuin at palawakin ang mga organisasyon ng masa. Palakasin o itatag ang mga unyon sa mga pabrika. Buuin at palawakin ang iba’t ibang samahang masa na nagbubuklod sa mayorya o higit na nakararami sa mga paaralan, upisina at komunidad.
Sama-samang kumilos at ipahayag ang mga hinaing sa mga usaping lokal, pansektor at pambayan. Makibaka para sa umento sa sahod at karapatan ng mga manggagawa, para ibaba ang upa sa lupa o interes sa pautang at makatarungang presyo ng palay o iba pang produkto, laban sa pagtaas ng matrikula o pagtalikod ng estado sa edukasyon, laban sa demolisyon, laban sa mga di makatarungang mga bayarin, at ibang kagyat na kahilingan. Idugtong ang mga ito sa mas malalaking usaping pambansa at ikawing sa pakikibaka para wakasan ang tiranikong paghahari ni Duterte.
Tungkulin ng mga aktibistang masa na pukawin, organisahin at pakilusin ang daan-daan libong mamamayan sa kalunsuran at kanayunan. Maging makina ng malawakang pag-aaral at pagpopropaganda sa masa. Pamunuan ang mga talakayan, magtalumpati sa mga pulong, mamigay ng mga polyeto sa kalye at magpinta o magpaskil sa pader ng mga panawagan. Kumbinsehin lahat na sama-samang kumilos at lumaban. Ihatid sa masa ang mensahe at mga panawagan ng Partido.
Pilit na pinagwawatak-watak ni Duterte ang bayan upang patuloy siyang makapamayagpag at makapaghari ang mga buhong na tulad niya at kanyang mga alipures at kasapakat. Kung organisado o sama-samang kikilos ang milyun-milyong mamamayan, walang kapangyarihang makahahadlang sa kanilang kapasyahang patalksikin si Duterte, isulong ang pagbabago at itakda ang tadhana ng bansa.