CMO 20: Pakanang neoliberal sa edukasyon
Dismayado ang mga akademiko at dalubhasa sa pagpapatibay ng Korte Suprema noong Hunyo 11 sa kautusan ng Commission on Higher Education (CHEd) na nagtanggal sa Filipino, Panitikan at Konstitusyon bilang rekisitong mga asignatura sa kurikulum pangkolehiyo. Nakapaloob ang kautusan sa CHEd Memorandum Order Number 20 (CMO 20) na inilabas noon pang 2015 sa panahon ng rehimeng US-Aquino. Ang CMO 20 ay bahagi ng serye ng mga neoliberal na hakbang sa larangan ng edukasyon.
Bago pa ito, naipatupad na ang programang K-12 na nagdagdag ng dalawang taon sa hayskul para sa teknikal-bokasyunal na pag-aaral at naglimita sa mga estudyanteng makapagkolehiyo. Ang repormang ito sa elementarya at sekundaryang edukasyon ay nakatuon sa pagsasanay sa kabataang Pilipino alinsunod sa pangangailangan ng mga lokal at dayuhang kumpanya para sa mura, kimi at may mababa hanggang katamtamang kasanayan na lakas-paggawa.
Partikular sa edukasyong pangkolehiyo, sadya ang pagpapakipot sa kurikulum, pagbabawas ng mga aspeto (less multifaceted) at pagtutuon nito sa teknikal, syentipiko, propesyunal at kultural-ideolohikal na pagsasanay para pagsilbihin ang mga pangangailangan ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Sa ganitong balangkas iwinawaksi ng estado ang pag-aaral ng Filipino, Panitikan at Konstitusyon sa kolehiyo, mga asignaturang walang silbi sa neoliberal na balangkas. Sa nakaraan, ang mga asignaturang ito ay nagbigay-daan para makapagturo ang mga akademikong patriyotiko ng progresibo at makabayang pananaw.
Ayon pa sa grupong Tanggol Wika, ang pambansang wika o Filipino ay isang “makabuluhang pangkulturang muhon para sa pambansang pagkakakilanlan… na nagsisilbing pahatiran ng komunikasyon sa pagitan ng mga etno-lingwistikal na grupo at uri” laluna sa bansang may katangiang hiwa-hiwalay na pulo. Nagbibigay-daan ito sa pagkakaisa at pagkakaroon ng kapangyarihan ng mamamayan.
Ayon naman sa mga propesor sa University of the Philippines, mahalaga ang wikang Filipino at Panitikan sa “pagpapalalim ng mapanuri, malikhain, malaya at mapagpalayang kakayahan ng mga mag-aaral at mamamayan.” Anila, hindi pag-uulit, kundi pagpapalawig sa teorya, praktika at silbi ang kurso at katulong ito sa paghubog ng kamalayang Pilipino.
Sinasalamin ng CMO 20 ang kawalang-interes ng reaksyunaryong estado na payabungin ang patriyotiko at pambansang kultura at pagkakakilanlan ng mga Pilipino. Walang lugar o halaga sa itinakda nitong direksyon sa edukasyon ang pagpapaunlad ng isang makabayang kulturang pambansa. Hinahayaan nitong mamayagpag ang dayuhang interes at impluwensya para i-ayon ang panlasa ng mga Pilipino, laluna ang kabataan, sa pagtangkilik ng dayuhang mga produkto, kabilang ang mga produktong pangkultura, at tabunan ang kanilang obhetibong pagnanais para sa bansang nakapagsasarili.
Kailangan ng mamamayang Pilipino na ilantad hindi lamang ang CMO 20 kundi ang iba’t ibang neoliberal na reporma sa edukasyon at ipaglaban ang tunay na patriyotiko, syentipiko at makamasang sistema ng edukasyon.