Kalunus-lunos na kalagayan ng mga guro
Muling tumampok ang kalunus-lunos na kalagayan ng mga guro nang lumaganap sa social media noong unang linggo ng Hunyo ang larawan ng isang dating kubeta na ginawang upisina ng dalawang guro. Inilahad ng naturang larawan ang napakatagal nang iniindang kakulangan ng pasilidad, gamit sa pagtuturo at iba pang pangangailangan ng mga guro at iba pang mga manggagawa sa sektor ng edukasyon.
Dahil sa kakulangan ng pondo, madalas pang manggagaling sa kanilang mga bulsa ang gamit sa pagtuturo tulad ng tisa. Pero higit dito ang kanilang hirap sa mababang sahod na ipinagpipilitan ng estado, at kahit ng kanilang kalihim na si Leonor Briones, na “sapat na.”
Kulang na kulang na sweldo
Siyam na beses nang nangako si Duterte na itataas ang sweldo ng mga guro mula pa noong panahon ng kanyang pangangampanya. Pero hanggang ngayon ay nananatili itong pangako, at inuna pa niya ang pagdagdag sa sahod ng mga pulis at sundalo. Itinaas din niya ang sarili niyang sweldo nang halos 200%.
Sa kasalukuyan, umaabot lamang ang buwanang sahod ng mga guro sa P20,000 hanggang P22,000 kada buwan. Kung ibabawas ang buwis, mga utang at iba pang bayarin, madalas na bumaba hanggang P5,000 ang kanilang naiuuwi. Daing ng mga guro, halos kalahati ng kanilang sahod ay ipinambabayad sa tubig at kuryente. Anumang matira ay pinagkakasya nila sa gastusin sa bahay gaya ng gamot at pagkain. Dahil kulang, kadalasang natutulak sila na mangutang sa Government Service Insurance System (GSIS), mga institusyon sa pautang at mga usurero.
Sa datos ng Department of Education, lumobo nang P18 bilyon ang pangkabuuang utang ng mga guro sa loob lamang ng dalawang taon—mula P301 bilyon noong 2017 tungong P319 bilyon ngayong taon. Halos kalahati nito (P157.4 bilyon) ay utang sa GSIS habang P162 bilyon naman mula sa mga pribadong institusyon. Wala pa rito ang kanilang mga inutang mula sa mga usurero. Sa kaso ng pautang mula sa GSIS at mga pribadong institusyon, awtomatikong kinakaltasan ang sweldo ng gurong may utang hanggang sa mabayaran ito.
Matagal nang panawagan ng ACT Teachers Party na itaas ang sahod ng mga entry-level (bagong pasok) na mga guro tungong P30,000 kada buwan. Sa taya ng grupo, ito ang nakasasapat na sahod para sa isang pamilyang may limang myembro.
Alinsunod sa kalkulasyon ng Ibon Foundation, kailangan lamang ipatupad ang 30% buwis sa mga kumikita ng P50 milyon pataas para makalikom ng ipandadagdag sa sweldo ng mga guro. Makakaipon ang hakbang na ito nang hanggang P400 bilyon kada taon, mas mataas pa sa tinatayang P150 bilyon na kakailanganin para sa P10,000/buwan dagdag na sweldo. Ang naturang hakbang ay aapekto lamang sa 38,000 pinakamayayamang indibidwal o 0.04% ng populasyon sa bansa, ayon pa sa institusyon.