Mamamahayag, iligal na inaresto
Kabi-kabilang pagkundena ang sumalubong sa arbitraryong pag-aresto at detensyon sa batikang mamamahayag na si Fidelina Margarita Valle ng mga myembro ng Criminal Investigation and Detection Group Region 9 noong Hunyo 9.
Naghihintay si Valle ng kanyang byahe sa Laguindingan Airport sa Misamis Oriental pauwi ng Davao City nang siya ay arestuhin. Idinetine siya nang 12 oras sa bisa ng mandamyento laban sa isang Elsa Renton alyas Tina Maglaya at Fidelina Margarita Valle. Inakusahan siya ng pagpatay, panununog, tangkang pagpatay, at pagsira sa kagamitan ng gubyerno.
Ayon sa pamilya ni Valle, ang pag-aresto sa kanya ay malinaw na panggigipit at pananakot dahil sa kanyang adbokasiya at paninindigan laban sa tiraniya ni Rodrigo Duterte. Napilitan ang PNP na palayain siya matapos itong malawakang kundenahin. Nangatwiran pa ang PNP na “napagkamalan” lamang nila si Valle at kunwa’y humingi ng dispensa. Hindi ito tinanggap ng pamilyang Valle, at nangakong magsasampa ng kaso laban sa CIDG.
Kasalukuyang kolumnista ng pahayagang Davao Today si Valle.