Mga problema sa transportasyon
Samutsaring problema sa transportasyon ang araw-araw na tinitiis ng mamamayang Pilipino laluna sa pambansang kabisera. Pinakalitaw dito ang mga problema ng trapik, sikip ng mga kalsada at kawalan ng sapat na pampublikong sistema sa transportasyon na nagdudulot ng malaking kabawasan sa kanilang kita. Lalupa itong pinalalala ng mga pakana ng mga nakaupo sa poder, na sa kalakhan ay sumusunod sa kapritso ng malalaking kapitalista.
Ayon sa isang pag-aaral noong 2012, nakatirik nang abereyds na isang oras at anim na minuto kada araw ang isang pasahero sa Metro Manila dulot sa trapik. Katumbas ito ng 16 na araw sa isang taon. Tinatayang nawawala sa kanya ang hanggang P100,000 na maaari niyang kitain sa parehong panahon. Dahil dito, ipinagpapalagay na nawawalan ng P2.4 bilyon kada araw ang ekonomya ng bansa dahil sa trapik. Sa pangkalahatan, umaabot sa 2% hanggang 5% ang nawawala sa gross domestic product dahil dito.
Lalo itong pinalala ng pagdami ng mga pribadong sasakyan sa daan dulot ng mabababang pautang ng mga bangko para sa pagbili ng mga kotse. Tinatayang sa panahon ng rush hour, o oras ng pasukan at labasan ng mga empleyado at manggagawa, doble ang bilang ng mga sasakyan kumpara sa kakayahan ng mga kalsada. Dahil dito, mahigit doble ang haba ng panahong iginugugol ng mga komyuter sa byahe.
Samantala, kulang na kulang ang mga moda ng pampublikong transportasyon. Sa anim na sistema ng tren sa Metro Manila na may kahabaang 246 kilometro, mahigit 100% na ang congestion o sobra sa mga pasahero kumpara sa kakayahan ng mga bagon nito.
Dahil dito, marami sa mga pasahero ang tumatangkilik ng iba pang moda ng transportasyon tulad ng pribadong van at FX (o UV Express), at iba pa. Pinakahuli rito ang sistema ng ride-sharing o bayad na pakikisakay sa mga pribadong kotse o motorsiklo na pinangangasiwaan ng malalaking kumpanya tulad ng Grab at Angkas. Malaki ang iniaasa ng mga pasahero sa mga moda na ito sa kanilang pang-araw-araw na pagkokomyut. Kung kaya naman malaki ang kanilang disgusto sa mga patakaran ng nakaupong rehimen na nagpapahirap, imbes na nagpapagaan, sa kanilang byahe.
Kabilang sa mga patakarang ito ang regulasyon ng Land Transportation and Franchise Regulatory Board na ilimita sa mga terminal ang pagsakay at pagbaba ng mga pasahero ng UV Express. Gayundin ang regulasyon ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na ipagbawal ang mga pamprubinsyang bus sa EDSA, ang daan na tumatahi sa maraming syudad sa Metro Manila, para ilimita sila sa mga nilalangaw na terminal sa magkabilang dulo ng Kamaynilaan. Ang mga pakanang ito ay pahirap at dagdag gastos sa maraming pasahero. Peligroso rin ang mga ito laluna sa matatanda at mga may kapansanan na umaasa sa direktang transportasyon.
Ang nagpapatuloy at lumalalang problema sa transportasyon ay malaking kabiguan ng rehimeng Duterte na seryosong isakatuparan ang pangmasang transportasyon para sa kapakinabangan ng mamamayan. Ang mga hakbanging ng rehimeng Duterte ay nagsisilbi lamang sa interes ng malalaking kapitalista laluna ang mga kumpanya sa langis, malalaking bangko, gumagawa ng mga kotse at pribadong sasakyan.
.