Nagpapasasang mga burukrata
Hindi lamang si Rodrigo Duterte ang may di-maipaliwanag na paglobo ng yaman habang nakaupo sa gubyerno. Noong 2018, nagtaasan ang halaga ng 15 upisyal ng kanyang gabinete ayon sa isinumite nilang Statement on Assets, Liabilities and Network o SALN. Pitong kongresista naman—karamiha’y kaalyado ng nakaupong rehimen—ang nakita ng paglobo ng yaman sa loob lamang ng isang taong panunungkulan.
Sa gabinete, nananatiling pinakamayaman sa gabinete si Mark Villar, kalihim ng Department of Public Works and Highways, na nag-ulat ng halagang P1.408 bilyon. Pinakamalaki naman ang paglobo ng yaman ni Alfredo Cusi, kalihim ng Department of Energy, na nag-ulat ng P29 milyong dagdag sa dati na niyang yaman na P1.356 bilyon noong 2017.
Sa Mababang Kapulungan, pinakamalaki ang iniyaman ng negosyanteng si Delphine Lee ng partidong Agri Party. Lumaki ang kanyang halaga nang 400% mula P50 milyon tungong P254 milyon noong 2018. Gayunpaman, mas malaki pa rin ang iniyaman ng burgesya kumprador na si Michael Romero ng partidong 1-Pacman. Nadagdagan ang yaman ni Romero nang P567 milyon mula P7.291 bilyon sa 2017 tungong P7.858 bilyon noong 2018. Ginamit ng mga burukratang ito ang sistemang party list para ipwesto ang sarili sa Kongreso at kumopo ng matatabang kontratang pampubliko.