Nakakasukang pagkukunwari at korapsyon
Nitong Hunyo, pumutok ang ulat ng korapsyon sa loob ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth). Mismong si Harry Roque, dating tagapagsalita ni Rodrigo Duterte, ang nagbunyag na ang PhilHealth ay pinagnanakawan ng daan-daang bilyong piso.
Kabilang dito ang sobrang pagbabayad sa mga ospital, mga “upcasing” o paglilista halimbawa sa karaniwang ubo bilang pulmonya, pagdodoble ng mga listahan at resibo. Isa sa tumampok ang pagkubra ng Wellness Dialysis Center, isang pagamutan ng mga maysakit sa bato (kidney), ng pondo mula sa PhilHealth para sa mga gawa-gawa o kaya’y namatay nang mga pasyente.
Ayon sa mga ulat, mula lamang 2013, nawalan ang PhilHealth ng P154 bilyon. Malaking bahagi nito o P102 bilyon ang ninakaw sa pamamagitan ng sobrang pagsingil, mga bogus na pagpapagamot, at pekeng mga pasyente.
Bilang tugon, kunwa’y pinagbitiw ni Duterte sa pwesto ang pinuno ng PhilHealth na si Roy Ferrer at ang katuwang na mga upisyal. Ang totoo, nais lamang niyang palitan si Ferrer. Lumutang na ang pangalan ni Ret. Brig. Gen. Ricardo Morales, kahit hindi siya kwalipikadong pamunuan ang institusyon. Ang pondo ng PhilHealth ay direktang kinakaltas sa sahod mga manggagawa pareho sa pribado at pampublikong sektor. Dahil sa laki nito, isa ito sa pinakakapakipakinabang na pwesto sa burukrasya sibil.
Pana-panahon, pinalulutang ni Duterte ang mga kaso ng korapsyon ng kanyang gubyerno para magmukhang malinis ang kanyang paghahari. Hindi ito para linisin ang burukrasya ng mga tiwali kundi para bigyan-katwiran ang pagsasalit-salitan ng kanyang mga alipures sa pusisyon, ipitin o tanggalin yaong mga hindi tumatalima sa kanyang plano, at ipwesto ang mga nais niyang upisyal militar sa binakanteng mga pwesto.