PKP, sumuporta sa panawagang imbestigasyon ng UNHRC
Nagpahayag ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ng pagsuporta sa panawagan ng United Nations Human Rights Commission (UNHRC) na maglunsad ng imbestigasyon kaugnay ng sumisidhing kalagayan ng karapatang tao sa bansa sa ilalim ng rehimeng Duterte.
Maliban sa malawakang pamamaslang, kinasangkutan din ng mga pwersang panseguridad ng estado ang mga kaso ng iligal na pag-aresto, pagsampa ng gawa-gawang kaso, ligal na pandarahas, pagbabanta, armadong pananalakay sa mga komunidad, pangungubkob ng mga komunidad sa kanayunan, blokeyo sa pagkain at ekonomya, at iba pa.
Anito, dapat ding isailalim sa kritikal na imbestigasyon ang “gera kontra droga” at ang direktibang “kontra-insurhensya” ni Duterte para “wakasan ang lokal na komunistang armadong pag-aalsa” at ang mga sangkap nito kabilang ang batas militar sa Mindanao, Memorandum Order 30, Oplan Kapayapaan, Oplan Sauron at Oplan Kapanatagan. Nararapat lamang na imbestigahan, isiwalat at kundenahin ang matinding mga pang-aabusong ito at iparinig sa buong mundo ang panawagang hustisya ng mamamayang Pilipino,” pagwawakas ng PKP.