Sino ang makikinabang sa pribatisasyon ng Clark Airport?
Bilyun-bilyong pisong pondo at mga kikbak ang pinakikinabangan ngayon ng malalaking burgesyang kumprador at burukrata-kapitalista sa pagpapatupad ng engrandeng mga proyektong pang-imprastruktura ng rehimeng US-Duterte. Kabilang sa mga ito ang Clark International Airport Expansion Project sa prubinsya ng Pampanga, isa sa mga mayor na proyekto sa ilalim ng programang Build, Build, Build ni Duterte.
Maka-negosyong proyekto
Isinangkalan ni Duterte ang sikip at ang tumataas na demand sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa pambansang kabisera para itulak ang pagtatayo ng bagong 82,000-ektaryang terminal sa Clark. Ito ay tinatayang may kapasidad na serbisyuhan ang dagdag na 8 milyong pasahero kada taon.
Para umano resolbahin ang nasabing problema, iginawad ng rehimen noong Disyembre 2017 sa Megawide Construction Corporation (MGC) at kasosyo nitong kumpanyang Indian na GMR Infrastructure Ltd. ang P9.36 bilyon pampublikong kontrata para sa ekspansyon ng paliparan sa Clark. Ito ay ipinatupad sa balangkas ng “hybrid” o binagong public-private-partnership (PPP) na nangangahulugang direktang papasanin ng mamamayan ang gastos para sa nasabing proyekto na sa kalaunan ay pagkakakitaan lamang ng mga lokal at dayuhang kapitalista.
Gamit ang badyet ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA), kasalukuyan nang itinatayo ng konsorsyum ang nasabing imprastruktura. Sa pinakahuling ulat ng gubyerno, 59% na ng bagong terminal ang naitayo at nakatakdang matapos sa 2020.
Ang MGC ay pagmamay-ari ng kapitalistang si Edgar Saavedra, ika-35 pinakamayamang indibidwal sa bansa na nakapagtala ng $245 milyong halaga ng pagmamay-ari (net worth) noong 2018. Katuwang niya sa kumpanya si Michael Cosiquien, ika-36 na pinakamayaman na nakapagtala naman ng $240 milyon.
Higit pang pinatataba ng grandyosong programang pang-imprastruktura ng rehimen ang bulsa ng dalawang kapitalistang ito. Sa pangkabuuan, limang proyektong PPP ang kasalukuyang pinangangasiwaan at pinagkakakitaan ng MGC. Ang konsorsyum na GMR-MGC rin ang ginawaran ng P17.52 bilyong kontrata ng rehimeng Aquino III noong 2010 para sa katulad na proyekto sa Mactan-Cebu International Airport.
Iniratsadang pribatisasyon
Matapos maglaan nang bilyun-bilyon para sa ekspansyon ng paliparan at kahit hindi pa tapos ang konstruksyon, iniratsada naman ni Duterte ang pagsubasta ng pamamahala sa operasyon at pagmamantine ng buong paliparan para higit pang tiyakin ang kita ng pribadong mga korporasyon. Ito ay alinsunod sa dikta ng International Finance Corporation (IFC), ang ahensya ng World Bank na direktang namumuhunan sa mga pribadong kumpanya, na nagbalangkas ng kontrata para sa pribatisasyon ng paliparan.
Noong Disyembre, iginawad ng gubyerno ang kontrata sa Luzon International Premiere Airport Development Corp. (LIPAD), isang konsorsyum na pinangungunahan ng magkamag-anak na mga burgesyang komprador na sina Josephine Gotianun-Yap ng Filinvest at Lance Gokongwei ng JG Summit. Nakatakdang simulan ang operasyon sa ilalim ng pribadong konsorsyum ngayong Hulyo 21.
Ang Filinvest, na may pinakamalaking sapi sa konsorsyum (42.5%), ay pinamumunuan ni Josephine Gotianun-Yap. Siya ay anak ni Mercedes Gotianun, ika-17 pinakamayamang indibidwal sa bansa na nakapagtala ng $1.15 bilyong halaga ng pagmamay-ari noong nakaraang taon. Ang mga Gotianun ang may-ari ng Filinvest na notoryus sa pagpapalit-gamit ng mga lupang agrikultural tungong mga subdibisyon.
Ang JG Summit naman, na may pangalawang pinakamalaking sapi sa konsorsyum (33%), ay kasalukuyang pinamumunuan ni Lance Gokongwei. Siya ay anak ni John Gokongwei Jr., ang ikatlong pinakamayamang indibidwal sa bansa na nakapagtala naman ng $4.4 bilyong halaga ng pagmamay-ari. Ang mga Gokongwei ang may-ari ng Robinsons at Universal Robina Corporation na notoryus sa malawakang pagpapatupad ng kontraktwalisasyon.
Tiyak na gagawing palabigasan ang nasabing kontrata sa pribatisasyon. Sa ilalim nito ay malaya silang makapagtatakda ng nagtataasang singil sa mga serbisyo ng paliparan. Kabilang sa maaari nilang pagkunan ng kita ang terminal fee at parking fee na karaniwang sinisingil sa mga pasahero.
Kung magpapataw ang konsorsyum ng P300 na terminal fee/pasahero, sa bagong terminal pa lamang ay maaari na itong magkamal nang aabot sa P2.4 bilyon/taon. Labas pa ito sa halagang maaari nitong kamkamin mula sa paniningil ng aircraft parking at landing fee sa mga kumpanya ng eroplano, at renta sa mga negosyo at establisimentong umuupa ng pwesto sa paliparan.
Dagdag pa rito, makakukuha rin ang opereytor ng mga insentibo sa ilalim ng Build-Operate-Transfer Law, kabilang ang eksempsyon sa pagbabayad ng buwis sa loob ng apat hanggang anim na taon.
Sa lahat ng gaganansyahin nito, obligado lamang ang opereytor na magbayad ng P1 bilyon/taon sa BCDA sa loob ng sampung taon bilang bayad sa gubyerno.
Samantala, perwisyo naman ang dulot ng pribatisasyon sa mga empleyado ng paliparan. Wala pa ring kaseguruhan ang mga manggagawang regular sa magiging istatus nila pagpasok ng bagong opereytor kahit pa sa nakasaad sa kontrata na makatatanggap sila ng “separation incentive package” at muling i-eempleyo. Kahit ang National Conciliation and Mediation Board ay walang imik nang tanungin ng mga manggagawa kung sila ba ay i-eempleyo pa ng bagong opereytor gaya ng nakasaad sa kontrata. Dagdag pa rito, hindi pa rin inaaprubahan ni Duterte ang “separation incentive package” na dapat nang matanggap ng apektadong mga manggagawa.